Patay ang isang batang babae matapos makuryente dahil sa naputol na wire ng clip fan at dumikit sa double deck na higaan sa Las Piñas.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, isinalaysay ni Noel Advincula ang sinapit ng kaniyang anak na si Mai.
“Electric fan nga raw po ang sanhi ng pagkakuryente kasi 'yung dulo nito ay naputol. Ngayon, 'yung kaputol niyon ay dumikit po sa aming double deck. Noong dumikit 'yun, itong anak ko naman kasi, basa, tapos basa na rin 'yung flooring kasi nga nag-igib siya. Wala kasi kaming tubig, naputulan kami gawa ng sa hirap namin, sabi ni Advincula.
Nadamay din pati ang lola at kapatid ni Mai sa lakas ng kaniyang pagkakuryente.
“Sumigaw daw, 'Aray!' Nakita ng nanay ko, nanginginig na. Sabi ng nanay ko, 'Kulot, huwag ka magbibiro!' Ginawa ng nanay ko, hinawakan siya. Akala niya nagbibiro lang, hinawakan. Eh nakuryente na rin siya, tapos humawak din 'yung si Baby, nakuryente na rin 'yung bunso ko,” kuwento ni Advincula.
“Binitawan, sabi ng anak ko na bunso, 'yung kapatid niya na ‘Nay lumabas ka diyan, kuryente 'yan!'” pagpapatuloy niya.
Namamasada noon si Advincula bilang tricycle driver nang makuryente ang anak. Sa ospital na niya ito inabutan na wala nang buhay.
“Wala akong masabi sa kaniya. Malambing po siya. 'Yung darating siya sa terminal namin, nabiyahe ka roon, hihingi po ng baon. ‘Pag nakita ko, yayakap na 'yan sa akin, tapos iki-kiss na ako 'yan. Hingi naman ang kiss naman 'yan. Tapos, 'yung buhok ko kasi ito, ganito, mahaba. Susuklayin niya ‘yan,” pag-alala ni Advincula sa anak.
Makikita ang clip fan na natuklap at na-expose ang dulo ng wire, na naging umpisa ng pagkakuryente ng biktima.
Nakaburol na si Mai pero problema pa rin ng pamilya ang gastos upang maipalibing ang bata.
“Residente po siya ng Las Piñas. So, in-expect po namin na siya ay makaka-avail ng libreng libing. Pero ang naging conflict, according kay Kuya Noel, ay hindi nga raw po ito sa punerarya ng Las Piñas kundi sa Bacoor. So, paglapit naman niya sa Bacoor, ang sabi naman po ng Barangay San Nicolás, according sa kuwento ni Kuya Noel, ang address naman niya ay Las Piñas. Kaya hindi rin daw po ma-avail ang libreng libing,” paliwanag ni Kap. Irene Gallardo ng Barangay Talon Uno, Las Piñas.
““Nanawagan ako, nagkaroon kami ng pag-uusap kanina. Nag-post po ako sa social media, sa FB ko, na humihingi kami ng tulong sa mga kinauukulan para naman ma-avail po nila 'yung libreng libing, either Bacoor man ito o Las Piñas,” sabi pa ni Gallardo.
Nagpaalala pa ang pamunuan ng barangay sa paggamit ng mga de-kuryenteng gadgets sa bahay.
“Katulad po nu’ng clip fan na ito, which is ang nakikita po natin, ang dami, halos lahat po ng kabahayan ay gumagamit po nito. At ang mga menor de edad, ang mga bata po, sila na 'yung nagpu-plug nito at napaka-delikado. Baka may mga sugat na wire na alam naman natin na baka mamaya undersized po 'yung mga wires nito. So, maging mapag-bantay po tayo,” sabi pa ni Gallardo.
Sinusubukan pa ng GMA News na kunan ng pahayag ang pamunuan ng Las Piñas. – Jamil Santos/FRJ GMA News
