Natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila ang limang ataul na bukod sa may nakasulat na mga mensahe kontra China, nakadikit din ang mga litrato ng ilang Chinese officials.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing isang kabaong ang nagdulot ng takot sa ilang motorista at mga naglalakad sa bangketa nitong madaling araw sa Rizal Avenue Extension bandang 7th Avenue sa Caloocan.

Sinabi ng uploader ng video na hindi nila malapitan ang ataul dahil sa pangambang may bomba ito sa loob.

Batay sa kuha ng CCTV ng Barangay 54, pasado 2 a.m., isang kulay puting van ang huminto sa lugar at lumabas ang limang tao na nag-iwan sa ataul.

“It might ba a threat. We will contact with the police men, lahat ng mga anggulo. Anyway, ang CCTV namin open. Lahat po mga anggulo, makikita natin 'yung van kung baka makikita natin rin ang plate number at ma-report natin sa LTO,” sabi ni Chairman Rolando Doloso ng Barangay 54, Caloocan.

Kinuha ng mga awtoridad ang kabaong pasado 3 a.m.

Samantala sa Quezon City, isa pang kabaong ang iniwan sa gitna ng Boy Scout Circle sa Timog Avenue bago mag-3 a.m.

Sinabi ng mga opisyal ng barangay na nakita ng mga tauhan ng Traffic and Transport Management Department o TTMD ang mga nag-iwan sa kabaong.

“May tatlong tao na naglapag. Isang babae, dalawang lalaki, tapos van na puti na walang plate number. Tinanong siya ng TTMD, 'yung babae, sabi naman ang sagot nila, babalikan din daw nila. Inisip namin na may tao eh, pero wala naman po, litrato lang,” sabi ni Lilibeth Bancairen, BPSO ng Barangay South Triangle.

Nakadikit sa mga kabaong ang ilang litrato, at may nakasulat din na Chinese Communist Party at mga salitang “greedy” at “salot.”

Kinuha ang kabaong ng Quezon City Police kinalaunan.

Namataan naman sa ‘di kalayuan ang mga bulaklak ng patay sa Center Island.

Walang linaw kung kasama itong iniwan sa lugar dahil wala umanong playback ang CCTV ng barangay.

Nakita rin sa Makati ang isang kaparehong kabaong, na nakita rin sa bahagi ng Buendia, na malapit sa Chinese Embassy, ayon sa Makati City Police.

Ini-inspeksiyon nito ng pulisya at bomb squad. Pagkabukas, wala itong laman kundi papel.

Pareho rin ang nakalagay sa mga nakitang ataul, na may nakasulat na Chinese Communist Party.

Kamukha nina Chinese President Xi Jinping, Chinese Foreign Minister Wang Yi, at Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan ang mga larawan.

“Wala pa ma'am, makikipag-coordinate pa tayo sa kanila. Na-verify naman ma'am, walang laman pero as of now, ginagawa natin 'yung standard operating procedure. Ipapa-SOCO natin, EOD para ma-search,” sabi ni Police Master Sergeant Haji Usop ng Makati City Police.

Nakita rin ang isang kabaong sa Santa Cruz, Manila.

Samantala, iniimbestigahan na ng National Capital Region Police Office ang mga naturang kabaong na iniwan sa ilang lugar sa Metro Manila na may litrato ng ilang Chinese officials.

"Initial investigation conducted reveals that 5 caskets were intentionally abandoned in Sta Cruz Manila, Brgy. 54, Caloocan City, Brgy. South Triangle, Quezon City, Brgy. Sta. Teresita, Quezon City, and Gil Puyat, Makati City. The caskets were deliberately abandoned by perpetrators wearing masks on board white and gray vans at around 2:00 to 4:00 o'clock in the morning of August 7, 2026. These caskets contained anti-CPP-NPA and anti-China messages,” sabi ng National Capital Region Police Office.

"The Chief PNP has ordered a comprehensive probe to determine the facts and circumstances surrounding the incidents. NCRPO investigators are now on the ground conducting thorough backtracking and forward tracking of CCTV footages," ayon pa sa NCRPO.

Kinondena naman ng Department of Foreign Affairs ang pag-iiwan ng mga ataul, at hindi umano nila kinukonsinti ang karahasan at pagbabanta laban sa sino man.

"The Department of Foreign Affairs does not condone acts or threats of violence against any individual, including foreign nationals or officials. Such irresponsible and disrespectful acts cannot be tolerated. Such actions do not reflect the Philippine government's approach to conducting its foreign relations, nor do they represent how Filipinos express criticism or dissatisfaction, even on sensitive political matters," ayon sa pahayag ng DFA.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DFA sa mga awtoridad tungkol sa tinawag nitong “reckless act.”

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Chinese Embassy kaugnay ng insidente.—Jamil Santos/FRJ GMA News