Sa pamamagitan ng DNA test, natukoy na ng mga awtoridad kung kanino o sino ang bungo na natagpuan sa Talisay City, Cebu noong nakaraang buwan.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na walong araw nang nawawala ang babae nang matagpuan ng mga residente ang bungo sa madamong lugar sa Barangay Cansojong noong Hulyo 11, 2026.

Mula sa Zamboanga City ang 48-anyos na biktima na nagtatrabaho bilang caregiver sa Talisay City, at ini-report na nawawala noong July 4.

Ayon sa Talisay Police, bago pa man lumabas ang resulta ng DNA test, nagsimula na silang mangalap ng ebidensiya laban sa suspek na 47-anyos na lalaking kaanak ng pasyenteng inaalagaan ng biktima.

Nang lumabas umano ng DNA result, sinabi ng pulisya na humingi sila sa korte ng search warrant at pinuntahan ang tirahan ng suspek noong Agosto 8.

Narekober ng pulisya sa bahay ng suspek ang armas na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa biktima, ang motorsiklong umano’y ginamit sa pagtatapon sa ulo ng biktima, mga pakete ng hinihinalang shabu, at isang baril na kalibre .38.

Nakakita rin sila ng mga buto na pinaniniwalaang mula sa katawan ng biktima. Isasailalim ang mga ito sa panibagong DNA test.

Nalaman din ng Talisay Police na tumakas ang suspek mula sa isa pang kaso ng pagpatay sa Zamboanga City.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang personal na galit bilang posibleng motibo sa krimen.

Nanawagan ang anak ng biktima sa suspek na sabihin kung saan niya itinago ang iba pang bahagi ng katawan ng kaniyang ina upang mapagsama-sama nila ang mga buto nito at mabigyan ng maayos na libing.

Pinuri ng lokal na pamahalaan ng Talisay ang pulisya sa resulta ng imbestigasyon at hinimok na mas palalimin pa ang pagsisiyasat sa kaso at alamin kung may iba pang sangkot sa krimen.—FRJ GMA News