Inaasahang iindahin ng ekonomiya ng Pilipinas ang danyos sa pinsalang maaaring umabot sa $124 bilyon o mahigit P7.6 trilyon mula 2022-2050, kung hindi masolusyunan ang taon-taong pagbaha. Anu-ano nga bang flood control projects ang may pangmatagalang solusyon sa baha?
Sa ulat ni James Agustin, sinabi ng mga eksperto na bukod sa climate change at lokasyon ng bansa, nagdudulot din ng problema sa pagbaha ang dekada-dekadang mahinang urban planning, matinding pagkukulang sa waste management, at mga flood control project na kung hindi outdated o luma, substandard naman dahil sa korapsyon.
Dagdag nito, hindi na sapat ang concrete dams, flood walls, at mga dike, lalo pa’t tila palakas nang palakas ang mga bagyong tumatama at tumitindi ang pagbahang nararanasan sa bansa.
Run-off water ang tawag sa tubig na naiipon sa lugar na tinayuan na ng mga kalsada, mga bahay, at iba pang gusali.
Malaking tulong sana ang mga drainage para umagos ang tubig patungo sa dagat, kung may tamang sukat ang mga ito, maayos na name-maintain, at hindi barado ng mga nakatambak na basura.
Gayunman, problema ito ng isang buong rehiyon gaya ng Metro Manila, na may mga ilog at nasa gitna ng Manila Bay at Laguna de Bay na heavily silted at posibleng umapaw tuwing malakas ang ulan.
Sinabi ng Philippine Disaster Resilience Foundation na posibleng maging solusyon ang mga green infrastructure tulad ng sunken lawns at underground tanks.
Isang landscape design ang sunken lawn o retention pond, na mas mababa sa ground level na nagsisilbing natural sponge kung saan naiipon ang run-off water para mapigilan ang pagbaha sa mga kalsada at magpalubog sa mga bahay.
Nagsisilbi namang malaking water storage ang underground tank o detention pond kung saan maiipon ang run-off water kapag malakas ang ulan.
Dahan-dahang na ire-release ang tubig mula rito upang maiwasan ang pag-apaw. Gaya nang nasa Bonifacio Global City na may 22,000 cubic meter detention tank sa ilalim ng Burgos Circle kaya naiiwasan ang pagbaha roon.
May lalim itong katumbas ng gusaling may apat na palapag. May kakayahan itong mag-imbak ng tubig na katumbas ng laman ng walong Olympic-sized swimming pools.
Nito namang Abril 2026, inanunsyo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang ginagawang 3-in-1 facility sa Quezon Memorial Circle na magsisilbing park, retention pond, at detention pond.
Kaya nitong mag-imbak ng hanggang 651 cubic meters ng tubig, at mayroon ding filtration system na may 282 cubic meters capacity.
Gagamitin ang tubig para sa landscape at irrigation ng lungsod.
Iminumungkahi ng mga eksperto ang pag-upgrade at regular na paglilinis ng drainage systems, ang reforestation ng Marikina Watershed, at ang paglalagay ng spillway para dumaloy ang sobrang tubig mula Marikina River at Laguna de Bay palabas sa Pacific Ocean. – FRJ GMA News
