Tinuldukan na ng Korte Suprema ang oral arguments tungkol sa petisyon ng isang Pilipino na may dual citizenship na kilalanin sa Pilipinas ang kaniyang diborsiyo na inaprubahan sa Amerika.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing ipinunto ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, kung bakit pipilitin ng estado ang mga mamamayan nito na manatili sa isang relasyong hindi na nila gusto.
“What is the fundamental state interest for citizens to stay in a troubled relationship?” tanong ni Leonen.
"The state interest, your honor, is in the other Constitutional provision which provides for the inviolability of marriage," sabi ni Solicitor General Darlene Berberabe.
Binabalanse ngayon ng SC ang dalawang nagtutunggaliang konsepto: Ang mga karapatan sa konstitusyon kasama ang pagpili sa mamahalin; at ang tungkulin ng Estado na protektahan ang pamilya.
Kabilang sa tanong sa oral arguments ay kung maaari bang may ibang interpretasyon sa salitang “pamilya” na hindi nangangahulugang may ama at ina, gaya ng single parent household o kung nabalo na o kung same-sex couple na nag-ampon ng anak.
"Therefore, when we read family there, that is to be strengthened as an autonomous social institution, it does not mean only in married family, correct?" tanong ni Leonen.
"Yes, your honor," tugon ni Berberabe.
“Only a married couple with children, correct?” dugtong na tanong ni Leonen, na sinang-ayunan ni Berberabe.
Nauna nang binanggit ni Berberabe sa nakaraang oral arguments na umaasa naman siyang magpapasa ang Kongreso ng batas tungkol sa divorce sa Pilipinas at muling pag-aralan ang Family Code.
May 13 panukalang batas na nakabinbin tungkol sa naturang usapin.
Ngunit habang wala pang divorce, hamon ni Leonen sa Estado na protektahan pa rin ang mga nagpapasaklolo gamit ang konstitusyon.
"If there is a possible interpretation of our Constitution and our laws... the kind of law that our people need for succor, therefore this Court must not only stand by and say, 'dura lex sed lex,' which means you are oppressed, we allow you to be oppressed," ani Leonen.
Ipinunto rin ni Leonen ang komposisyon ng mga mahistrado ng Korte Suprema na maaaring representative o kumakatawan sa maraming Pilipino.
"There are now five of us who are in a different kind of relationship... two have gotten annulments, one is divorced, two have chosen to be single," aniya.
Ginawa ng Korte Suprema mula Agosto 2025 ang apat na sesyon ng oral arguments tungkol sa pagkilala ng foreign divorce.
Sa pagtatapos nito, inatasan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang mga partido sa kaso at mga amicus curiae na magsumite ng kanilang memoranda sa loob ng 20 araw.
Matapos nito, hihintayin kung ano ang magiging resolusyon ng Korte Suprema. – Jamil Santos/FRJ GMA News
