Sa susunod na episode ng online talk show na “Your Honor,” kasama sa mga pag-uusapan ang “feelings” at mga kaganapan sa buhay ng global fashion icon na si Heart Evangelista.

“Madam chair. Vice Chair. Ang reklamo ko po today is ang dami ko pong feelings. Hindi ko kayang i-handle,” sabi ni Heart sa sneak peak ng kaniyang guesting sa “Your Honor.”

Dahil dito, humingi ng tulong si Heart sa hosts ng show na sina Chariz Solomon at Buboy Villar.

“Ang tanong ko is puwede niyo po akong bigyan ng reseta. Gamot na lang po ang kailangan ko para matigil na ‘to,” sabi ni Heart.

“Hindi. Ang kailangan mo, kami,” biro ni Chariz. “Alam mo, sobrang ang saya naming friends.”

Pag-alala ni Chariz, nagkasama na sila ni Heart sa ilang Kapuso projects, gaya ng “Full House” at “Codename: Asero.”

Panoorin ang masaya at makulit na kuwentuhan nina Heart, Chariz, at Buboy sa “Your Honor” na napapanood tuwing Sabado ng 8:15 p.m. sa YouLOL YouTube channel. – Jamil Santos/FRJ GMA News