Theft o robbery ang kaso na maaaring isampa sa isang magnanakaw, habang "anti-fencing law" naman ang kakaharapin na asunto ng mga bibili ng gamit na "GSM" o galing sa magnanakaw.
Sa "Kapuso Sa Batas" segment ng "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na ang anti-fencing law ay nakapaloob sa binuong special law na Presidential Decree No. 1612.
Hindi umano basta-basta magagamit na depensa ng isang tao na nahaharap sa kaniyang asunto ang katwiran na hindi niya alam na "nakaw" ang gamit na kaniyang nabili.
Ilan sa mga bagay na dapat tandaan upang maghinala sa bagay na bibilhin ay kapag masyadong mura ang halaga nito, walang resibong maipakita ang nagbebenta, at hindi rin niya masabi kung saan ito nanggaling.
Ang taong bumili ng bagay na nakaw ay maaaring maharap sa parusang pagkakakulong ng mula anim na taon hanggang 12 taon, pero hindi hihigit sa 20 taon.
May karapatan din ang tunay na may-ari ng ninakaw na bagay na kunin o bawiin ang kaniyang pag-aari sa bumili nito.
Nito lang Martes, isang lalaki na nagnanakaw ng piyesa ng sasakyan ang nasakote at nakita sa kaniya ang listahan ng mga taong pinaniniwalaang may "order" ng nanakawin niyang piyesa.
Basahin: Lalaking tirador ng mga parte ng sasakyan, may listahan ng 'order' ng nanakawin
Panoorin ang buong paliwanag ni Atty. Gaby tungkol sa naturang usapin:
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA News
