Mistulang nagsa-shopping ng auto parts sa kalsada ang isang lalaki na nahuli-cam sa Quezon City na nagbabaklas ng headlight frame ng isang nakaparadang van. Ang listahan ng mga "order" at kaniyang mga parokyano, bistado.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa barangay E. Rodriguez nitong Sabado, kung saan nahagip ang isang lalaki na paikot-ikot sa kahabaan ng Yale street.

Ang sistema, pinili na pala nito ang mga sasakyan na nanakawan ng piyesa tulad ng isang nakaparadang van na binaklasan niya ng headlight frame, na nagkakahalaga ng mahigit P6,000.00 bawat piraso.

Pero hindi niya nakuha ang kapares nito dahil lumabas ang mga kasama ng may-ari ng sasakyan na nakita ang kaniyang ginawa kaya nagtawag ng responde.

Ilang sandali pa, muling nakuhan sa CCTV ang suspek na bumalik sa lugar para kunin ang isa pang headlight frame pero nabigo muli siya dahil nakita na siya ng mga tauhan ng may-ari ng van at muli siyang hinabol.

Bagaman nakuha ng mga humabol ang bag ng suspek, nakatakas naman ang magnanakaw dahil armado ito ng patalim.

Nang suriin ang laman ng bag, nakita ang isang notebook na may listahan ng auto parts na plano niyang sikwatin, pati na ang mga plaka ng sasakyan, at ang contact number at mga pangalan ng mga pinaniniwalaang may order ng mga nanakawing piyesa ng sasakyan.

Ang punong barangay, sinubukan na tawagan ang isa sa mga nakalagay na numero sa notebook para tanungin kung mayroon itong "order."

Laking gulat nila at dismaya nang may sumagot sa kabilang linya at kumpirmahin na may order nga itong salamin na pangharap o windshield.

Aalamin ng barangay sa National Telecommunication Commission kung pwedeng matukoy ang mga parokyano ng magnanakaw. -- FRJ, GMA News