Tinalakay sa segment na "Kapuso Sa Batas" kung ano ang kaibahan ng 'Dissolution of Marriage' bill na isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes, kumpara sa iminumungkahi ring divorce at sa umiiral na ngayon sa bansa na annulment ng kasal.

Ayon kay Atty. Gaby Concepcion, kumpara sa ibang proseso ng paghihiwalay at pagpapawalang bisa sa kasal ng mag-asawang hindi na masaya sa kanilang pagsasama, sinasabing mas magiging mabilis at menos-gastos ang 'dissolution of marriage' kapag naisabatas. 

Sa ngayon, tanging ang annulment pa lang ang pinapayagan sa bansa, habang matagal nang may nagmumungkahi na payagan na rin na magkaroon ng diborsyo sa Pilipinas pero hindi naaprubahan ng Kongreso.

Ayon kay Atty. Gabby, tanging sa Pilipinas na lamang at sa Holy City [Vatican] walang diborsyo.

Sa pananaw niya, halos wala namang pagkakaiba ang diborsyo sa dissolution of marriage, bagaman mas madali umano ang grounds na itinatakda sa huli.

Hindi katulad ng annulment at divorce na matagal ang proseso, magastos at may mga itinatakdang dahilan o grounds sa paghihiwalay, sa 'Dissolution of Marriage' bill, sapat na umanong katwiran ang " unhappiness" ng dalawang panig para humingi ng pahintulot sa korte na pawalang-bisa na ang kanilang kasal.

Ipinaliwanag din ni Atty. Gaby, na ang karaniwang "grounds" sa diborsyo ay mga pangyayari matapos na ikasal ang mag-asawa, habang sa "annulment,"  may mga dahilan na na maaaring gamitin para pawalang-bisa ang kasal; tulad ng pagiging menor de edad nang mangyari ang kasal, nagkaroon ng pananakot o panlilinlang.

Panahon na nga ba para magkaroon ng diborsyo o itong dissolution of marriage sa bansa? Panoorin ang pagtalakay sa naturang isyu:

Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- FRJ/KVD, GMA News