Isinabatas na ang Republic Act 10932 o Strengthened Anti-Hospital Deposit Law sa pagsisimula ng Agosto, na nagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga ospital o klinika na nanghihingi muna ng deposito bago tanggapin ang pasyente.

Ngunit umalma ang Private Hospital Association of the Philippines na dapat may batas ding magpaparusa sa mga pasyenteng hindi nagbabayad ng kanilang hospital bills.

Ipinaliwanag pa ni "Unang Hirit" resident lawyer Atty. Gaby Concepcion ang mga pagbabagong nakapaloob sa batas na ito.

Sa ilalim ng bagong batas, aniya, mahigpit pa rin na ipinagbabawal ang paghingi ng deposito, advanced payment o iba pang klase ng paunang bayad bilang pangangailangan sa pagpapagamot.

Dagdag ni Concepcion, hindi pwedeng tumanggi ang duktor o ospital na magbigay ng paunang lunas o pag-stabilize sa kondisyon ng pasyente para maiwasan ang death o disability, pero puwedeng ilipat ang pasyente kung walang tamang facilities para sa pangangailangan nito.

Sa bagong bersyon ng batas, tinaasan ang mga penalty para sa mga duktor, hospital personnel at mga ospital, na may multa na P100,000 hanggang P300,000 o anim na buwan at isang araw hanggang dalawang taon at apat na buwan na pagkakakulong.

Bukod pa rito, mayroon na ring "special provision" ang batas para sa mga buntis na babae, na bawal silang hingian ng deposito at dapat silang mabigyan ng sapat na atensyon upang maiwasan ang "injury," "loss of life" o "non-institutional delivery" ng baby.

Para sa mga ospital na hindi "equipped" o 'di nila kayang hawakan ang isang kaso ng isang pasyente, sinasabi sa batas na kailangang maglagay ng notice ang ospital na naglalahad kung ano lamang ang kaya nilang gawin.

Gayunman, kung hindi kaya ng ospital ang kalagayan ng pasyente, kailangan pa rin nila itong bigyan ng pangunahing lunas hanggang sa mailipat sa ibang pagamutan ang pasyente.

Kaugnay pa nito, kung walang ambulansya ang ospital o klinika, ang Local Government Unit ang kailangang magbigay ng libreng emergency vehicle na may qualified nurse na kasama.

Ayon pa kay Atty. Gaby, may probisyon din ang batas na ang PhilHealth "will cover the cost of the emergency care plus transpo expenses for poor and indigent patients," kahit pa hindi miyembro ng PhilHealth. Para sa mga expenses at costs na hindi na-reimburse sa PhilHealth, pwede itong i-claim bilang tax deduction.

Para sa mga bagong provisions, gagawa pa ng implementing rules ang Department of Health, kasama ang mga kinatawan ng BIR at PhilHealth.

Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang bagong batas:

Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News