Dahil sa hindi awtorisadong pagdaan sa ASEAN lanes, irerekomenda ng mga kinauukulang opisyal na kanselahin o suspindihin ang lisensya ni Maria Isabel Lopez. Samantala, kasabay ng paghingi ng paumanhin, ipinaliwanag ng dating beauty queen at aktres kung bakit niya iyon ginawa.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabi ng OIC ng Department of Interior and Local Government na si Catalino Cuy, chairman ng Asean Committee on Security, Peace and Order at Emergency Preparedness and Response, malaking banta sa kaligtasan ng mga motorista, mga summit delegates ang ginawa ni Lopez dahil walang sticker ang kaniyang sasakyan na nagbibigay pahintulot na gumamit ng Asean lane.
Sa press briefing naman, sinabi ni Emmanuel Miro, namumuno sa Metropolitan Manila Development Authority's (MMDA) Task Force ASEAN, na maaaring mapagkamalang banta sa seguridad ng Asean delegates si Lopez at maaari siyang napahamak.
"Assuming na may head of state na dumaan at nakaalerto ang mga puwersa at nakaposisyon ang sniper, puwedeng mapagkamalan siyang bomber," paliwanag ni Miro.
Sabi ni Miro inaalam na nila kung saan at anong oras dumaan si Lopez sa Asean lanes at kumakalap sila ng ebidensiya sa gagawing pagsasampa ng reklamo sa Land Transportation Office (LTO) laban sa aktres.
“Ipapa-receive namin sa LTO ‘yung sa driver’s license cancellation or suspension. Inaalam pa ‘yung exact location basta sa area between Shaw Boulevard and Ortigas,” paliwanag ng opisyal.
Bukod sa makukuhang kopya ng CCTV, isusumite rin umano ng MMDA bilang ebidensiya laban kay Lopez, ang Facebook post ng aktres kung saan maririnig ang pagsigaw ng aktres sa paggamit ng Asean lanes.
Sa naturang post, sinabi ni Lopez na inalis niya ang divider cones para makadaan siya sa Asean lanes at may sumunod na rin sa kaniya na ibang sasakyan.
Sa naturang ulat ni Gaston, humingi ng paumanhin si Lopez sa kaniyang ginawa at sinabing ilang oras siyang naipit sa southbound lane ng Edsa dakong 6:00 p.m.
Bagaman aminado siya na mali ang kaniyang ginawa, sinabi niya na may ibang sasakyang pinayagan daw na pumasok sa kaniyang likuran kaya niya iyon nagawa.
"Aminado naman ako na pasaway talaga ako, hindi naman ako nagmalinis. Although alam ko naman na marami ang nagalit, naging insensitive sila pero as human nature talagang nature talaga ng tao na to survive, you also have to do it. At hindi lang naman ako, ang dami namin," paliwanag niya.
Sinabi pa ni Lopez na parang sobrang hospitality raw ang ipinakita ng gobyerno sa mga delegado at second class citizen naman ang tingin sa mga motoristang Pinoy.
"I become a second class citizen in my own country dahil nga sa pagbibigay natin sa mga Asean member na ito," aniya.
Muli namang humingi ng paumanhin ang MMDA sa mga naabalang commuter at motorista dahil sa idinulot na trapik at muling humingi ng mahabang pang-unawa.-- FRJ, GMA News
