Nagpahayag ng suporta kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte sa same-sex marriage. Ngunit para maipatupad ito, may batas daw na kailangang amyendahan o baguhin. Alamin kung ano ito.
Sa segment na "Kapuso sa Batas" ng "Unang Hirit," nilinaw ni Attorney Gaby Concepcion na walang binabanggit sa konstitusyon na kailangang lalaki at babae lamang ang maaaring ikasal.
"Ang nakasaad sa Constitution ay patungkol sa marriage na sinasabing 'marriage is an inviolable social institution', 'the foundation of the family and shall be protected by the State,'" paliwanag ni Attorney Gaby.
Sa halip, ang nagre-"require" nito ay ang Family Code na isang batas na nagsasaad na, "marriage shall be between a man and a woman."
"Sobrang required nito na masasabi na isang essential requisite ang gender para maging valid ang isang kasal," paliwanag pa ni Attorney.
Nagbanggit si Attorney Gaby ng isang kaso na isang lalaki na nagpa-"sexual reassignment" ang nag-file ng kaso para baguhin ang kaniyang gender sa birth certificate. Hindi raw ito pinayagan ng Korte Suprema dahil baka raw magpakasal ang lalaki sa kapwa lalaki.
Kahit daw anyong babae na siya sa pisikal, "essentially" ay lalaki pa rin siya.
Kung sakaling ipatupad ang same sex-marriage, kailangan daw amyendahan ang Family Code.
"Ang kailangang gawin, dapat amyendahan ang Family Code natin in order na kilalanin ang same-sex marriage. Of course, kailangang magpasa ng bagong batas ang Kongreso para mapapalitan ang mga provision ng Family Code ukol dito," sabi pa ni Attorney Gaby.
Patuloy niya, mauungkat pa rin sa usapin ang "Separation of Church and State," dahil ang mga argumento sa same-sex marriage ay base sa relihiyon at malaki ang populasyon ng mga Katoliko sa Pilipinas.
Para sa mga sumusuporta ng same-sex marriage, maaari nilang ikatuwiran sa Kongreso at "Court of Public Opinion" na ang mga argumento ng relihiyon ay hindi dapat gawing dahilan para tutulan ang pagpapatupad ng batas dahil sa prinsipyo ng separation of church and state.
Panoorin ang buong pagtalakay sa naturang usapin:
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
