Nalalapit na ang taong 2018 o Year of the Earth Dog, kaya magandang masimulan ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng masuwerteng kuwarto dahil ito ang lugar kung saan nagpapahinga ang mga tao.
Sa programang "Unang Hirit," sinabi ni Johnson Chua, Feng Shui expert, na pinakasuwerte raw ang kulay dilaw at berde sa taong 2018. Kaya para maka-relax, gumamit ng mga "earth color" sa mga pader dahil ang mga kulay na ito ay malamig sa mata.
Kung wala namang budget sa pagpapakulay ng dingding, puwedeng magsabit ng mga picture frame na may dilaw o berde rin, pero iwasan ang mga may tubig na disenyo.
Pagdating naman sa posisyon ng kama, pader ang dapat na nasa likod ng ulunan, at hindi dapat nakasandal sa bintana. Kung butas-butas ang headboard ng kama, dapat umanong magsabit ng dalawang crystal balls sa dingding.
Para naman mapanatili ang magandang relasyon ng mag-asawa, maglagay ng mga lamp at side tables sa magkabilang gilid ng kama.
Mainam din daw kung ang kobre-kama ay kulay dilaw at berde.
Para naman sa lucky charms, puwedeng maglagay ng Amethyst na nakatutulong para sa "peace," "harmony," at "good health." Ang holy gourd din ay para sa "good health," habang at ang pagoda umano ay nakakatulong para sa magandang pagdedesisyon at focus ng mga bata.
Click here for more GMA Public Affairs videos
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
