Tulad ng kahit anong proyekto, mayroon umanong  paraan para mas maging makatotohanan at lumaki ang pag-asang matupad ang New Year's resolution, na kadalasang nagiging rewind lang ng nagdaang mga taon.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Miyerkules ng gabi,  ipinakita na mayroong mga taong gumagawa ng pangakong babaguhin sa sarili sa pagpasok ng bagong taon pero hindi natutupad pagkatapos ng taon.

Ang ilan sa mga tinanong, pangakong pag-iwas sa bisyo ang planong gawin pero nagiging marupok sa tawag ng alak o sigarilyo.

Mayroon ding nangakong magbabawas ng timbang pero hindi rin magawa dahil sa tukso ng masasarap na pagkain.

Ayon sa sociologist na si Bro. Clifford Sorita,  kadalasang hindi natutupad ang mga new year's resolution dahil hindi malinaw sa tao ang dahilan sa likod ng mga ito.

"Ang problema yung motivation natin behind that medyo mababaw. Kasi siyempre, gusto lang natin talaga ceremonial; gusto lang natin meron lang tayong sabihing may resolution tayo. Para bang just for the sake of it," paliwanag niya.

Hindi raw masama na magkaroon ng ipapangako sa sarili lalo na para sa ikabubuti niya ito — tungkol man sa kalusugan, ugali, o pagpapaganda ng buhay sa pangkalahatan.

Kabilang umano sa mga payo ng mga eksperto para lumaki ang pag-asang matupad ang pangako sa sarili ay ang mga sumunod:

  •  Gawin simple ang nais makamit at huwag masyadong ambisyoso.
  •  Unti-untiin itong gawin hanggang sa maabot ang nais na pagbabago.
  • Lagyan ng time frame at deadline ang planong gawin at bigyan ng sapat na atensyon.
  • Makatutulong na magkaroon ng kasabwat, tagapagpaalala, kaagapay, o inspirasyon.

Pero kahit ano umanong pagbabago,  hindi kailangang hintayin ang unang araw ng taon.  Ang mahalaga raw ay dedikasyon na tuparin ang pangakong gagawin.

"At the moment you say I will do this, start making steps to do it. Ang problema kapag hindi mo ginawa, you have to push yourself," ayon kay Sorita.-- FRJ, GMA News