Kapag sobra ang galit, may mga tao ang nakapagbibitaw ng salitang "kahit lumuha ka pa ng dugo." Pero kung imposibleng mangyari sa iba ang pagluha ng dugo, may isang lalaki sa Lanao del Norte na pinapahirapan daw ng ganitong kondisyon. Totoo nga kaya ito?
Ayon kay Joemar, 33-anyos, nagsimula raw siyang lumuha nang dugo nang mag-asawa siya at lumalala raw ito kapag nag-aaway sila ng kaniyang misis. At kung dati ay sa mata lang lumalabas ang dugo, ngayon ay lumalabas na rin daw ito sa tenga, ilong, at maging sa kaniyang dibdib.
"Kasi kapag naga-away kami, ina-atake siya. Habang tumatagal nalalaman ko na ganoon. Tuwing nagagalit siya, inaatake siya. Kaya iniiwasan namin na magalit siya," sabi ng kaniyang asawa.
Dahil sa kaniyang kalagayan, natatakot na ang kaniyang mga kaanak na baka ikamatay niya ang paglabas ng dugo sa kaniyang mata at iba pang parte ng katawan.
Habang nagsasagawa nga ng panayam ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa mga kaanak ni Joemar, biglang nagkagulo nang sabihing lumuha na naman siya ng dugo.
Nang makita ng "KMJS" si Joemar, may dugo nang tumutulo sa kaniyang pisngi.
“Ang nangyari kanina, uhaw na uhaw ako, paghawak sa baso parang namahid na 'yung kamay ko. Maya't maya binigyan ako ng asawa ako pamunas," saad niya. “Sa loob ng isang buwan halos pito o walo. Minsan hindi na lang ako nagpapakita kasi ayokong mag-panic pa sila," .
Nang magpasuri raw siya noon sa duktor, wala raw maipaliwanag kung ano ang nangyayari sa kaniya. Kaya naman kumonsulta sila sa albularyo na nagsabing engkangto ang may kagagawan ng pagluha niya ng dugo.
Sa tulong ng "KMJS," sasamahan si Joemar na ipasuri muli sa mga espesyalista, at ipasusuri din kung dugo talaga ng tao ang lumalabas sa kaniyang mata. Alamin sa video na ito ang resulta ng mga pagsusuri. Panoorin.
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA News
