Malaking pagsubok kay Nanay Eving ang magkaroon ng tatlong anak na may problema sa pag-iisip. Inaalala rin niya kung makakayanan ba ng kaniyang mga anak na patuloy na mabuhay sakaling mawala na siya.
Ngunit kung tatanungin si Lani Hizole, kapatid ni nanay Eving, hindi problema sa kaniya na kupkupin ang tatlong magkakapatid. Pero iniisip din niya kung paano ang tamang pag-aalaga sa mga pamangkin dahil sa kanilang kondisyon.
At kung hindi naman nila maaalagaan, naisip ni Lani na dalhin ang magkakapatid sa mental institution. Pero ayon sa Municipal Social Welfare Development, iba pa rin ang pag-aalaga ng kadugo kaysa ibang tao.
Sa pamamagitan ng social media, humingi ng tulong si Nanay Eving para sa kaniyang mga anak.
"Siyempre po, palagi ko pong iniisip kung hanggang kailan kami ganito. Lahat naman sa tatlo, gagawin ko ang lahat para sa kanila," sabi ni Nanay Eving.
Tunghayan ang kuwento ni Nanay Eving at alamin ang kalagayan ng tatlo niyang mga anak na sina Ruby, Mark Joseph, at Jep sa video na ito ng "Reel Time."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
