Pagkatapos ng eskuwela, hindi mga cellphone at gadget, kundi pagpapadausdos sa burol ang masayang pinagkakaabalahan ng mga bata sa isang barangay sa Antique. Ang naturang libangan na ginagamitan ng "paklang," nakagawian na raw ng mga tao doon mula pa noong dekada 70.
Para makapagpadulas sa burol, kumukuha ang mga bata ng pinatuyong tangkay ng niyog o tinatawag nilang "paklang," na sasakyan nila para dumulas pababa ng burol.
Bukod sa sariling kasiyahan ng mga bata, may iba rin na nagkakarera sa pagpapadausdos. Ang magiging kulelat sa pagbababa, siya ang magbibitbit ng mga paklang pabalik sa itaas ng burol.
Nagagalit man ang mga magulang sa pagbababad sa arawan ng kanilang mga anak, sila man ay aminadong naglaro rin ng padudusdusan noong mga bata pa sila.
Kuwento ng ilang mga nagsilakihan na, dito sila nakatagpo ng kanilang mga kaibigan, pati na rin ang kanilang forever.
Panoorin ang masayang libangan ng mga bata at kuwento ng nabuong samahan at pag-ibig sa pagpapadausdos sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa video.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
