Dahil pahirapan nang makabili ng rubbing alcohol, may ilang gumagawa ng paraan upang magkaroon ng panlaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). May ilang tao na nag-e-eksperimento tulad ng paglalagay bleaching solution sa alak para gawing pamalit sa alcohol. Pero may babala rito ang Integrated Chemists of the Philippines (ICP).

Kamakailan lang ay nag-viral ang isang video sa social media kung saan ipinapakita ng isang lalaki na hinaluan niya ng pang-bleach ng damit ang isang alak para gawing disinfectant solution. Nalaman daw niya ito sa isang netizen at nais niyang ibahagi sa iba.

Pero paliwanag ng ICP, mapanganib na kombinasyon ang bleach at alcohol dahil lumilikha ito ng nakalalasong cloroform.

"Pinapaalalahanan ng ICP ang lahat na huwag tularan o gayahin ang mga kumakalat na video sa social media na nagtuturo kung paano gumawa ng disinfectant solution gamit ang bleach at alkohol. Ito ay makalilikha ng chloroform, isang kemikal na mapanganib at nakalalason kapag nalanghap o naipahid sa balat," saad ng grupo sa kanilang Facebook post.

"Huwag tularan. Nakamamatay," dagdag pa ng grupo.

"Tandaan: HUWAG BASTA-BASTANG MAGTIMPLA, DAHIL HINDI KA BIHASA," mariin pang paalala ng ICP.

Sa hiwalay na post, inihayag din ng ICP na hindi rin maaaring gamiting  hand sanitizer ang kilalang lokal na alak na lambanog.

"Muling pinapaalalahanan ng ICP ang lahat na HINDI maaaring gamitin bilang hand sanitizer ang lambanog at alak," saad ng grupo.

"Dahil ang nilalamang alkohol ng mga ito ay hindi kayang makapuksa ng mikrobyo. Pinakamainam pa rin ang paghuhugas gamit ang tubig at sabon.

Giit pa ng grupo, dapat tandaan na, "ANG LAMBANOG AT ALAK AY MGA PANTAGAY, HINDI PANGHUGAS-KAMAY."

Naubos ang mga alcohol at mga face mask sa pamilihan sa gitna nang paglaganap ng coronavirus 2019 (COVID-19) sa bansa.

Nitong Miyerkules, inihayag ng Department of Health ang bagong 84 na kaso ng coronavirus sa bansa, na umabot na sa kabuuang 636.

Umakyat na rin sa 38 ang namatay matapos kumpirmahin ng DOH ang tatlong karagdagang pasyente na pumanaw dahil sa virus.--FRJ, GMA News