Tayo ay hahatulan ng Diyos ayon sa naging pagtrato natin sa ating kapwa (Mt. 25:31-46).
Isinulat ni Saint Mother Teresa ng Calcutta sa kaniyang aklat na pinamagatang "Loving Jesus" ang ganito: "It does not matter who we are. It does not matter what our profession is, in other words, what we do. It does not matter what our nationality is, or whether we are rich or poor. Whatever our state in life, above all we are Children of God, the work of his hands."
Ang mga salitang winika ni Mother Teresa ay kaugnay sa Mabuting Balita (Mt. 25:31-46) tungkol sa gagawing paghuhukom ng Panginoon sa sangkatauhan pagdating ng kawakasan.
Ayon sa Ebanghelyo tungkol sa huling araw, pagbubukud-bukurin ng Diyos ang mga tao gaya ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at kambing.
Sasabihin ng Panginoon na nasa Kaniyang kanan (tupa), kung ano ang kanilang ginawa sa kanilang kapwa ay parang ginawa na rin nila sa Diyos.
Samantalang susumpain naman ang mga nasa kaliwa (kambing) dahil sa pagkakait nila ng tulong sa kanilang kapwa na parang ang Diyos na rin ang kanilang pinagkaitan.
Itinuturo ng kuwentong ito na hindi tayo hahatulan ng Diyos alinsunod sa ating katayuan at kalagayan dito sa mundo. Kundi sa kung ano ang ating ginawa sa ating kapwa.
Sinabi ni Mother Teresa sa kaniyang aklat na "Each one of us will have to face him at the hour of death, and he is going to judge us."
Ang akala ng iba sa atin na ang lahat ng kayamanang iniimpok natin dito sa lupa ang magiging pamantayan ng Panginoon pagdating ng ating wakas. Ang akala natin ay madadala natin ito sa ating pupuntahan.
Wala naman nakalagay sa Bibliya na mapupunta sa impiyerno ang mga taong nag-iipon ng kayamanan. Kahit saan talata ay wala tayong mababasa, subalit nakasaad sa Banal na Kasulatan na ikabubulid o ikapapahamak ng sinomang tao ang labis na nagpapayaman para sa Kaniyang sarili at ginagawang Panginoon ang kaniyang kayamanan.
Nais ituro ng Ebanghelyo na tayo ay hindi lamang nabubuhay para sa ating mga sarili kundi para din sa ibang tao na naghihikahos at nangangailangan ng ating tulong at kalinga.
Nasaan ang Diyos? Ang Diyos o si Hesus ay ating makikita sa mga taong nagbibigay ng kanilang tulong sa mga nangangailangan. Sila ang ginagamit na instrumento ni Kristo para maramdaman ng mga taong ito ang pag-ibig ni Hesus.
Nasa mga taong mapagkawanggawa ang presensiya ng Panginoong Hesus.
Hindi mo makikita ang presensiya ni Hesus sa mga taong nagkakaloob ng tulong subalit may bitbit na camera at nagpapakuha ng litrato habang nagbabahagi ng kanilang tulong at pagkatapos ay ipo-post sa kanilang Facebook account.
Hindi ito bahagi ng mensaheng ibig ituro ng Ebanghelyo. Hindi kailangan ipangalandakan ang kabutihang loob na ating ginagawa para sa iba.
Ingatan at pagkalooban nawa tayo ng mga biyaya at kapayapaan ng Diyos sa ating buhay sa araw-araw.
Amen.
--FRJ, GMA News

