Para makapag-submit ng kanilang report, tatlong guro sa Lacub, Abra ang umaakyat sa mataas na puno upang makasagap ng internet signal.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nagtuturo sa Talipugo Elementary School ang tatlong guro at mga estudyante mula sa kindergarten hanggang grade six ang tinuturuan.

Kuwento ng isa sa mga guro, nakiusap sila sa mga opisyal ng barangay na gawan sila ng tila hagdan paakyat sa puno para maging ligtas naman sila sa tuwing kailangan nila ng internet signal.

Ang naturang barangay ay isa sa mga pinakaliblib na lugar sa Lacub.

Samantala, matapos gawin at ayusin ng mga guro ang mga learning modules na gagamitin sa darating na pasukan ng mga mag-aaral sa Magsalang Elementary School sa Tineg, Abra, sinimulan na rin nila itong ihatid.

Nitong nakaraang linggo, naglakbay ng tatlo hanggang apat na oras ang mga guro, tumawid ng ilog, umakyat ng bundok para ihatid ang mga modules.

Nagpapasalamat naman ang mga guro sa nagpahiram sa kanila ng kabayo para may katulong sila sa pagbitbit ng mga learning modules.

Sa kabila ng hirap, masaya raw ang mga guro dahil nagagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang guro at batid nilang para ito sa mga kanilang mga mag-aaral.--FRJ, GMA News