Inihayag ni Philippine Statistics Authority (PSA) Assistant Secretary Rosalinda Bautista na boluntaryo ang pagkuha ng kontrobersiyal na national ID. Pero hinihikayat niya ang publiko na kumuha nito.

Sa panayam ng Dobol B sa News TV nitong Huwebes, sinabi ni Bautista na mahalagang magkaroon ng nation ID dahil kakailanganin ito sa pakikipagtransaksiyon sa hinaharap.

“Sa batas po natin, lahat po ng Pilipino at resident aliens natin dito sa Pilipinas, pati po ang Pilipino na nasa abroad, ay puwedeng mag-apply para sa national ID pero voluntary. Voluntary po kasi ito,” saad niya.

"Pero ini-encourage po namin ang pag-apply at pagkuha ng national ID...Dadating po tayo doon sa time na lahat ng transaksyon sa government ay hihingian na po ng national ID ang isang tao,” patuloy niya.

Layunin ng national ID system na mapagsama-sama na sa iisang ID ang iba't ibang ID na iniisyu ng iba't ibang sangay ng gobyerno.

Nitong Miyerkules, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na mayorya ng mga Pinoy ay dapat magkaroon ng national ID sa 2022.

Ayon kay Bautista, isa sa mga hakbang na gagawin sa pagpapatupad ng national ID system ay ang pagbisita ng mga registration officer sa mga bahay ng low-income families.

Napili raw ang mga pamilya mula sa 40 lalawigan na kasama sa pinakamamababa sa Family Income and Expenditure Survey (FIES).

Kailangan magpunta sa registration centers sa kinaroroonan nilang munisipalidad ang mga nagtatrabaho sa pamilya para mag-fill out ng forms.

Paliwanag ni Bautista, inuna nila ang low-income families para magkaroon sila ng government-issued IDs at documents na kailangan sa pakikipagtransaksiyon tulad sa bangko.

Target umano ng PSA na makapagrehistro ng limang milyon katao sa national ID sa pagtatapos ng 2020.—FRJ, GMA News