Magtiwala tayo sa kapangyarihan ni Hesus dahil walang imposible sa Kaniya (Juan 6:1-15).

Minsan ang ikinatatalo ng isang koponan sa paligsahan ay hindi ang kanilang kahinaan sa diskarte sa laban, bagkos ay ang kahinaan ng loob.

Sa ating Mabuting Balita (Juan 6:1-15), mababasa natin ang panghihina ng loob at kawalang pag-asa ni Felipe nang tanungin siya ng ating Panginoong HesuKristo kung saan  maaaring makabili ng tinapay upang makakain ang mga tao.

Nangyari ito nang tumawid si Hesus kasama ang Kaniyang mga Alagad sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias, at sinundan Siya ng napakaraming tao.

Nang tumanaw si Hesus mula sa bundok ay nakita Niyang dumarating ang napakaraming tao kaya tinanong Niya si Felipe kung saan kaya sila makakabili ng tinapay para makain ng mga tao.

Sumagot naman si Felipe at nagsabing: "Kahit na halagang dalawandaang salaping pilak ng tinapay ay hindi sasapat para makakain ang mga taong ito ng tig-kakaunti" (Juan 6:7).

Sinubukan ni Hesus si Felipe bagama't alam na Niya ang Kaniyang gagawin.

Ano pa man ang dahilan ng ating Panginoon kung bakit Niya sinusubok si Felipe, isang bagay lamang ang malinaw sa kuwentong ito--ang pagiging "negatibo" ng pag-iisip ni Felipe. 

Una ay ang pagpapakita niya agad ng kawalang pag-asa na hindi sasapat ang anomang dami ng tinapay na kaya niyang bilhin para mapakain ang napakaraming tao.  Pangalawa ang kawalan niya ng pananampalataya dahil nakalimutan ni Felipe na kasama niya si Hesus na makailang beses nang nakagawa ng himala.

Kaagad na pinanghinaan ng loob si Felipe at para bang nais niyang iparamdam kay Kristo na wala na silang magagawa. Taliwas ito sa karakter at prinsipyo na dapat taglayin ng isang Disipulo ni Kristo. At ito ay ang paglilingkod at pagtulong sa mga nangangailangan.

Marami rin sa atin ang pinanghihinaan ng loob ngayon dahil sa dami ng mga suliranin sa buhay na pinapalala pa ng pandemiya. Ang iba marahilan ay pinanghihinaan na ng loob at para wala nang nakikitang lunas tulad ng ipinamalas ni Felipe sa Ebanghelyo.

Subalit kailangan nating tularan ang isa pang karakter sa Ebanghelyo na ang pangalan ay Andres.  Nakagawa siya ng paraan nang ipaalam niya kay Hesus na mayroong isang batang lalaki doon ang may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda.

Bagama't kakarampot lamang na pagkain, hindi gaya ni Felipe, hindi pinanghinaan ng loob si Andres at nagtiwala siya sa kapangyarihan ng Diyos.

Ibinigay niya kay Hesus ang kakarampot na pagkain pero pinarami ng Panginoon at ipinakain sa napakaraming tao.

Tunay na walang imposible sa Panginoon kapag tayo ay nanampalataya at nagtiwala sa Kaniya.

Kaya anoman ang mga problemang kinakaharap natin sa buhay, gaya ni Andres ay ilapit at ipaubaya natin ito sa Panginoong Diyos at Siya na ang bahala.

Manalangin Tayo: Panginoong HesuKristo. Nawa'y palakasin Mo po ang aming pananampalataya at matutunan namin ang magtiwala sa Iyong kapangyarihan. AMEN.

--FRJ, GMA News