Itinataya ni Gari Makiling ang kaniyang buhay sa pagsisid sa maduming tubig para mag-alis ng nakabarang basura. Pero hindi pangangalakal ng basura ang kaniyang pakay.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa "Reporter's Notebook," napag-alaman na sumisisid sa mabaho at maruming tubig ang 46-anyos na si Gari para mapanatiling gumagana ang pumping station na kaniyang kinaroroonan.
Mahalaga ang mga pumping station dahil ito ang tumutulong para maiwasan ang matinding pagbaha.
Bago lumusong sa tubig si Gari, nag-aalay siya ng panalangin na magampanan sana niya nang maayos ang kaniyang trabaho at ligtas na makaahon.
Bukod kasi sa peligro sa kalusugan ng maruming tubig na maaari niyang mainom, may mga matatalim at matutulis na basura sa ilalim na tubig na maaari niyang mahawakan o maapakan.
Kabilang dito ang mga yero, basag na bote, o bakal.
At dahil na rin sa pandemya, dagdag-peligro rin sa kalusugan ang mga basurang PPEs, face mask at face shield na napupunta sa ilog at nasasala ng makina sa pumping station.
Nang sandaling iyon, mayroon makina sa pumping station na ayaw gumana dahil sa posibleng malaking basura na nakabara.
Ito ngayon ang misyon ni Gari sa gagawing paglusong sa maruming tubig--ang hanapin sa pamamagitan ng pagkapa ang basurang nakabara sa makina.
Ligtas kayang magagampanan ngayon ni Gari ang kaniyang trabaho?
Tunghayan ang kakaiba, mahirap at peligrosong uri ng trabaho na marahil ay marami ang hindi nakabatid. Panoorin ang video lalo na ng mga hindi marunong magtapon ng basura sa tamang tapunan.
--FRJ, GMA News
