Sa pagpasok ng Bagong Taon, maraming Pinoy ang gusto na gawing goal ang pag-iipon. Anu-ano nga ba ang mga paraan ng pag-iipon at pag-invest na maaaring subukan ngayong 2022?

Sa programang "Unang Hirit," sinabing sa pag-iipon ng P20 kada araw, magkakaroon ng P7,300 na ipon ang isang tao sa pagtatapos ng taon.

Ang P50 naman kada araw, makakalikom ng P18,250 at ang P100 kada araw ay katumbas ng P36,500.

Habang ang P500 kada araw, makaiipon ng tumataginting na P182,500.

Ang magkaibigang sina Jerica Buenafe at Jinky Simbe, sinubukan ang "Calendar Ipon Challenge" kung saan kinabitan nila ng plastic bag ang bawat petsa ng kalendaryo para paglagyan ng pera.

Kaya naman mula Mayo 29 hanggang Disyembre 19, 2021, nakapag-ipon sila ng P41,000.

Ayon sa financial planner na si Jennie Rose Julaton, gumana ito dahil nakatutulong at magandang motivator ang biswal na paalala para sa pag-iipon.

"It's a great way para ma-motivate ka na mag-ipon," sabi ni Julaton.

Ipinaliwanag din ni Julaton ang "50-30-20 Rule" na strategy, kung saan ilalaan ng isang tao ang 50 porsyento ng kaniyang suweldo sa mga pangangailangan, 20 porsiyento sa savings o investments, at 30 porsyento sa "happy fund."

Isa pang paraan para makag-ipon ang auto-invest program, na bagay para sa mga gustong makapag-ipon pero hindi magawa-gawa.

"Sobrang effective siya kasi number one, it's a forced saving... consistent siya, dire-diretso siya, wala kang choice. So nag-bubuild 'yung pera mo. And then of course, nagiging habit na siya," ani Julaton.

"Alam mong babawasan ka, ma-po-program na siya sa mind mo," dagdag pa niya.

Ayon pa kay Julaton, kailangang alamin ng isang tao kung ano ang kaniyang pinag-iipunan -- mapa-travel man ito o bagong kotse -- para maging mas epektibo ang pag-iipon. --FRJ, GMA News