Kasing laki ng pusa na mukhang paniki. Ganito ang hitsura ng mga "Kagwang" o Philippine Flying Lemur. Nang subaybayan ang naturang hayop sa kanilang natural na tirahan sa gubat, napansin na may kakaiba silang ugali kapag "naglalambing" sa kanilang partner.
Sa pagbisita muli ni Doc. Nielsen Donato ng "Born To Be Wild" sa Bilar, Bohol, nakita niya ang mga Kagwang o Philippine Flying Lemur sa natural nilang tirahan sa Rajah Sikatuna Protected Landscape.
May malalakas na paa, matutulis na kuko at tila pakpak na balat ang mga Kagwang. Kaya naman kaya nilang libutin ang malalawak at masusukal na kagubatan sa pamamagitan ng pag-glide.
Dahil mga "nocturnal" o mas aktibo sa gabi, makikita ang mga Kagwang sa Rajah Sikatuna Protected Landscape na nagpapahinga sa araw.
Gaya ng mga paniki, patiwarik silang matulog. Kaya rin nilang kumain ng dahon nang nakabitin sa puno.
Ayon kay Doc Nielsen, isa sa mga bago niyang obserbasyon tungkol sa mga Kagwang ay ang pagtulog ng magkapares na lalaki at babaeng Kagwang na magkatabi.
Sinabi ng park ranger na si Rolando Odtohan Boco, kadalasang magkahiwalay at malayo sa isa't isa ang mga Kagwang kapag natutulog.
Nang magising ang babaeng Kagwang, sinubukan nitong lumayo sa lalaki at lumipat ng ibang puwesto. Pero sinundan ng lalaking Kagwang na babae at muling tumabi.
Paliwanag ni Doc Nielsen, bahagi ito ng kanilang ligawan o "courtship."
Bukod dito, natuklasan din ni Doc Nielsen ang isang juvenile na Kagwang na nakahiwalay na sa kaniyang ina.
Taliwas ito sa mga nakaraang engkuwentro kung saan madalas magkasama ang mag-inang Kagwang, maliban na lamang kung iiwan sila ng kanilang ina para humanap ng pagkain.
Tila pellet sa laki, at walang amoy ang mga dumi ng Kagwang dahil dahon ang kanilang kinakain.
Nagsisilbing fertilizer o pataba sa lupa ang kanilang dumi kaya mahalaga ang kontribusyon nila sa kalikasan.
Tunghayan sa video ng "Born to Be Wild" ang malapitang engkuwentro sa mga Kagwang. Alamin , kung paano sila gumagawa ng ingay, at papaano nagiging tila pakpak ang kanilang balat na ginagamit nila makalipat ng puno. Panoorin.-- FRJ, GMA News
