Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang SIM Card Registration Act, na nagtatakda na iparehistro ang mga gumagamit ng Subscriber Identity Module para mapigilan ang mga text online scam at iba pang krimen. Ano ang mangyayari sa mga SIM card na ibinebenta, at ang ginagamit na ng subscribers?

Sa ulat ni JM Encinas sa Stand For Truth, sinabing kailangang magpresenta ang mga bibili ng valid ID at litrato sa lahat ng public telecommunication entities at mga direct seller sa ilalim ng bagong batas.

Kailangan namang irehistro ng existing subscribers ang kanilang SIM card sa loob ng 180 na araw, mula sa araw na naipatupad ang batas.

Layon din ng batas na mapigilan ang iba pang krimeng ginagawa sa pamamagitan ng mobile phone, dahil mas madali nang mahahanap o mata-track ang gumagamit ng SIM card.

Nakasaad din sa SIM Card Registration Act na kailangang ilahad ng telecommunication firm ang pangalan at tirahan ng subscriber kapag nag-isyu ng subpoena ang korte.

Maaari ding magsumite ng written report ang mga nag-iimbestigang awtoridad sa telecom company, para magkaroon sila ng access sa impormasyon ng SIM card holder.

"We are in agreement that we need some measures to protect our citizens. And since it's already pervasive, the scams, I think that there should really be some sort of accountability by way of the registration of SIMs," sabi ni Senadora Grace Poe.

Bago nito, na-veto ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang SIM card registration bill sa kadahilanang kailangan pa itong pag-aralan.

Hindi rin sang-ayon ang ilang mambabatas sa dating bersyon ng bill dahil maaari itong lumabag sa Data Privacy Act.--Jamil Santos/FRJ, GMA News