Inilagay na noon sa isip ng 64-anyos na lalaki sa Monkayo, Davao de Oro na tatanda na siyang mag-isa. Pero nagbago ang lahat nang makilala niya ang isang 18-anyos na babae, na nagpatibok sa kaniyang puso na kahit minsan ay hindi pa naranasang magkaroon ng kasintahan.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na pag-aayos ng mga sirang sapatos ang trabaho ni Mang Romeo Beronio.

Dahil nasa isip niya noon na mas mabuting mag-isa lang siya sa buhay, hindi siya nagkaroon ng kasintahan. Pero nagbago ang lahat nang makilala ni Romeo si Valentina Alen, na 18-anyos lang.

"'Yung unang kita namin, na-in love ako sa kaniya kasi napakabait na babae. Sa sobrang in-love ko sa kaniya hindi ako nakatulog," ayon kay Romeo.

Kahit simple lang ang trabaho ni Romeo, humanga sa kaniya si Valentina. Ang dati raw kasing mga naging nobyo ng dalaga, pawang mga walang trabaho.

"Tatlong linggo siya nanligaw sa akin. Nagustuhan ko siya kasi binibigyan niya ako ng softdrinks at tinapay. Binigyan niya ako ng bulaklak," kuwento ng dalaga.

"Sinagot ko siya kasi na in-love ako. Nagkagusto ako sa kanya kasi, una niya akong minahal. Okay lang sa akin kahit matanda na siya," dagdag ni Valentina.

Para kay Valentina, si Romeo ang "the one" para sa kaniya. Sabi naman ni Romeo, balewala ang laki ng agwat ng edad basta't nagmamahalan.

Kahit may mga pumuna sa kanilang relasyon, hindi ito pinapansin ni Romeo. Ang mahalaga para sa kaniya, si Valentina ang pamilya nito na tanggap siya.

"Okay lang basta nagkakaintindihan. Kagustuhan 'yon ng anak ko. Kahit matanda ang lalaki hindi kami 'yung makakapagsabi," anang pamilya ni Valentina.

Ngayon, nagsasama na sina Romeo at Valentina, habang pinag-iipunan nila ang kanilang kasal.

Inaasikaso ni Valentina si Romeo at sinasamahan na rin sa trabaho nito. Dahil umaabot lang sa P300 isang araw ang kinikita ni Romeo, batid nila na baka matagalan pa bago sila maikasal.

Hindi naman daw sila nagmamadali na bumuo ng sarili nilang pamilya.

Kamakailan lang, ipinagdiwang nila ang kanilang ninth monthsary.

"Ang pagmamahal ko, mananatili ako sa 'yo, magsasama tayong dalawa, kasi pinakamamahal kita," sabi ni Romeo kay Valentina. —FRJ, GMA News