Malaking tulong para sa mga mangingisda ang imbensiyon ng isang Pinay marine scientist na isang device na kayang matukoy kung magkakaroon ng fish kill at red tide sa isang lugar.

Sa isang video sa GMA News Feed, ibinahagi ni Dr. Aletta Yñiguez ng University of the Philippines (UP) Marine Science Institute ang HABhub, ang early warning device na binuo niya kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at iba pang institusyon sa UP.

“HABhub is a system na nagko-consolidate ng information, data and models that support decision-making, and provides early warning also for managing algal blooms o ‘yung tinatawag na red tide,” sabi ni Yñiguez.

“Meron itong long-term na data or various data sets na kailangan para maintindihan bakit nangyayari ang habs,” dagdag niya.

Real-time umano ang pagkuha ng datos ng Habhub sa tulong ng mga sensor. Maaari din ma-access ang data nito online.

Noong Mayo 2022, naisalba ang kita ng maraming mangingisda sa Bolinao, Pangasinan sa tulong ng Habhub.

Bukod sa fishkill forecast, nagbibigay din ito ng impormasyon kung saang coastal areas posible ang mariculture activities tulad ng pagtatayo ng fish pens at aquatic farming.

Nauna nang binuo ni Yñiguez ang “ARAICoBeh” o  A Rapid Assessment Instrument for Coastal Benthic Habitats, na ginagamit naman para makita ang estado ng coral reefs at iba pang uri ng underwater surveillance.

“Compared to that standard method, it’s a lot cheaper, about half the cost. Plus it covers a larger area at a faster time,” sabi ng scientist.

Dahil sa kaniyang kontribusyon sa marine ecology, isa si Yñiguez sa mga itinanghal na The Outstanding Women in the Nation’s Service ngayong taon.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News