Gusto mo bang magtampisaw sa tubig at maglaro ng buhangin habang sinusulit ang simoy ng hangin at katahimikan ng malawak na palayan? Puwede 'yan dahil sa isang resort na itinayo sa gitna ng bukid. Alamin kung saan ito.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" sinabing anim na buwan na mula nang buksan ng pamilya nina Prelan Valencia ang 35 Island Resort na may lawak na 4,000 square meters sa Isabela.
Bago nito, ibinigay sa kanilang mag-asawa ng kanilang ina ang farm na ginamit nila para mag-alaga ng mga manok, pato at tilapia.
"Doon ko po naisip magtayo ng maliit na swimming pool para sa mga anak ko kasi 'yung mga anak ko nagsu-swimming sa box ng tilapia," sabi ni Valencia.
Mula sa fish pond, ginawa itong swimming pool na nagsilbing mini-resting area ng pamilya.
Ipinarenta nila ang swimming pool noong kasagsagan ng pandemya kung saan naghahanap ang mga tao ng pribadong lugar.
Ginamit ng mag-asawa ang naipon nilang pera para dagdagan ito ng iba pang mga pool, cottages, mga kwarto at function hall, hanggang sa maging resort na ang maliit na parte ng palayan.
Ngayon, meron na rin itong kiddie pool para sa mga bata, jacuzzi at beach volleyball.
Nilang din nila ng 15 trak ng fine sand ang resort para ma-feel ang pagiging beach nito.
Nananatili namang taniman ng palay ang malaking bahagi ng palayan.--FRJ, GMA Integrated News
