Dahil walang mga binti, tila nakabaon sa putik ang katawan ng 19-anyos na si Daryl ng Calatrava, Negros Occidental, habang nagsasaka katuwang ang kalabaw. Ang akala noon ng kaniyang ama, walang magiging silbi ang anak.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," Daryl, 19, sinabing kahit mahirap sa kaniyang kalagayan ang pagbubungkal ng lupa, ginagawa niya ito para makatulong sa kaniyang pamilya.
Sa 11 magkakapatid, tanging si Daryl ang PWD, na isiniwalang nang walang mga binti.
Ang ama ni Daryl na si Mang Danilo, inamin na inisip niya noon na walang magiging silbi ang anak nang makitang wala siyang mga binti.
"Nung nakita ko, sobrang nalungkot ako, ma'am. Bakit ba nagkaganyan? Nasabi ko nga na, 'Itong batang 'to, palagi lang 'tong nakahiga. Wala 'tong magiging silbi,'" saad ni Danilo.
Ayon pa kay Danilo, nag-alok pa ang komadrona na nagpaanak kay Daryl na bayaran ito para maipasok sa circus. Gayunman, hindi pumayag si Danilo.
"Balik siya nang balik kasi gusto niya talagang bilhin hanggang sa umabot ng isang libo. Sabi ko, 'Hindi puwedeng maging iyo 'yan. Anak ko 'yan. Hindi ko ito ibebenta, hindi 'to aso,'" kuwento niya.
Nang maging 15-anyos si Daryl, sinabi ni Danilo na nangako ang anak na kaya niyang kumilos tulad ng ibang walang kapansanan sa katawan.
Pero hindi magiging madali ang lahat para sa katulad ni Daryl na nakikitanim ng kamote ang pamilya.
"Minsan, mahirap kapag ganito. May kapansanan ka. Hindi mo magawa 'yung gusto mong gawin, may hadlang sa 'yong pagkatao," saad ng binata.
Pero naging pursigido si Daryl na tumulong sa kaniyang pamilya. Para hindi masyadong mabasa ang katawan, nagsasapin siya ng plastik sa loob.
Gamit ang mga kamay, pagbalanse at determinasyon, natutong magbungkal ng lupa si Daryl katuwang ang kalabaw.
"Sobrang hirap sa pag-aararo dahil may kapansanan ako, pero, hindi naman talaga hadlang kapag gusto mong tumulong," sabi ng binata.
Pinag-aralan din ni Daryl na sumakay sa kalabaw para mapadali ang kaniyang biyahe papunta sa sakahan. Pero may pagkakataon na nahuhulog siya.
Ayon kay Danilo, pinipigilan niya si Daryl na magsaka pero ang anak na mismo ang gustong gawin ang pagtulong sa bukid,
"Pinagbabawalan ko siya bilang magulang pero kumikilos pa rin siya. Naiiyak ako kasi nakakaawa. Pinagsasabihan ko siya, 'Huwag,' pero gusto niya talagang tumulong sa 'kin," sabi ni Danilo.
Bukod sa pagtatrabaho sa bukid, ipinagpatuloy din ni Daryl ang pag-aaral.
Ayon kay Daryl, nakatulong sa pagkakaroon niya ng positibong pananaw sa buhay ang kaniyang inang si Emilia, na pumanaw na.
"Minsan kami lang dalawa doon sa bukid, minsan nag jo-joke. Nakukuha pa rin naming tumawa. Kahit sobrang pagod na," saad niya.
Pumanaw noong nakaraang taon dahil sa sakit sa puso si Emilia.
"Masakit sa pakiramdam ang mawalan ka ng ina," sabi ni Daryl.
Hirit si Mang Danilo na tanggapin ang pagkawala ng kabiyak sa buhay.
"Sobrang pait ng buhay. Masasabi mo na lang, mas mabuti pang walang Pasko para hindi mo maalala sa taong 'to," pahayag niya.
Para matulungan si Daryl ang kaniyang pamilya, isinama siya ng KMJS team sa duktor para sa checkup. May nagbigay din sa kanila ng financial assistance, at may nangakong magbibigay ng leg prosthesis para kay Daryl.—FRJ, GMA Integrated News
