Iniwan ng isang Amerikana ang kaniyang maginhawa at madaling buhay sa Amerika para manirahan nang payak sa Pilipinas kasama ang mister na Pinoy at kanilang mga anak.

“America is incredible, that American dream to have a family and a good job and own a home,” sabi ni Lorena Moreno.

Sa "Make Your Day," sinabing tinalikuran ni Lorena ang kaniyang masarap na buhay matapos siyang umibig sa Pinoy na si John Cezar Moreno.

Nagsimula ang kanilang pag-iibigan noong 18-anyos pa lamang si Lora, at isang full-time missionary na si John.

Sinabi ni John na “love at first sight” nang makita niya si Lora, at nagpakasal sila kalaunan.

Makalipas ang 10 taon at magkaroon ng apat na anak, nagdesisyong lumipat sina Lora at John sa Pilipinas, at manirahan sa probinsiya ni John.

“I definitely had a desire to go and see what his culture is like and where he grew up. And then having four kids of our own, I wanted them to experience the Filipino lifestyle,” sabi ni Lora.

“Gusto naming ituro roon sa mga bata ‘yung maging humble, na ma-appreciate nila kung ano ‘yung meron sila Kasi ‘yun ang isang bagay na ‘yung mga Pilipino ay napaka the best para roon,” sabi ni John.

Isang taon na ang nakalilipas mula nang iwan nila ang “American dream” at mamuhay ng mas payak sa Pilipinas.

Bagama’t may pagkakaiba sa pamamaraan nila ngayon ng pamumuhay, sinabi nina John at Lora na hindi nawawala sa kanila ang kaligayahan. --FRJ, GMA Integrated News