Naging viral sa social media kamakailan ang video ng isang lalaking nagpapaliwanag at inilalabas ang lahat ng gamit sa kaniyang backpack. Ginawa niya ito matapos siyang mapagbintangan umano na may ninakaw na produkto mula sa grocery store. Ang empleyado, humingi ng tawad kalaunan.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Marisol Abdurahman, mapapanood ang video ng 60-anyos na si Marco Neri Yutuc, na inilalabas ang lahat ng laman ng kaniyang bag para patunayan na wala siyang tinda o produkto na ninakaw gaya ng akala ng security guard at ng babae sa grocery store.

Ayon kay Yutuc, isang theater actor at talent o extra sa mga teleserye, ang pagnanakaw ang hindi niya naisip na gawin sa dami ng role na kaniya nang ginampanan.

“Sixty na ako eh, first time na mangyari sa akin ‘yun. Lagi naman akong pumupunta ng mga grocery. ‘Pag tinitingnan ko ‘yung video, iniisip ko, parang bumabalik lahat. May trauma,” sabi ni Yutuc.

Kuwento niya, lumabas sila ng kaniyang anak na babae para mag-grocery. Bibili raw siya noon ng deodorant, at pinayagan siya ng guard na ipasok o dalhin ang kaniyang bag.

Pero dahil nagkamali na siya noon ng bili, ang ginawa ni Yutuc, nagdala siya ng basyo ng deodorant na kaniyang bibilhin para makasigurado.

Nang makita niya ang puwesto ng hinahanap niyang deodorant, inilabas niya mula sa bag ang basyo ng deodorant para ikumpara sa kaniyang bibilhin.

Nang makatiyak na sa deodorant, ibinilik niya sa bag ang basyo ng deodorant, at binayaran naman ang bagong deodorant.

“‘Pag lakad ko ng three steps na lang going out of the grocery, sinabihan ako ng guard na ‘Sir, puwede patingin ng bag niyo,’” kuwento ni Yutuc.

Ayon sa internal security ng grocery, may nakakita umano na may ipinasok siyang item sa kaniyang bag.

Pero imbes na dalhin sila sa opisina, pinaghintay si Yutuc at ang kaniyang anak sa security guard area, at doon na siya pinilit buksan ang kaniyang bag.

Ipinakita ni Yutuc ang dala-dala niyang deodorant na kaniyang ipinasok sa bag, at ang bagong deodorant na may resibo.

“‘Ngayon ano ang sasabihin mo, na may ninakaw ako?’ Nilakasan ko ‘yung boses ko kasi ang daming nakatingin,’” sabi ni Yutuc.

Naisip ni Yutuc na i-video ang pag-inspeksiyon sa kaniyang bag, habang wala namang CCTV footage na maipakita ang grocery.

Sa huli, walang nakita na kakaibang item sa backpack ni Yutuc.

“Sabi ko ‘So wala kang nakita? Magso-sorry ka ngayon.’ Hindi siya nagsasalita. Sabi ko ‘‘Di ba kailangang mag-sorry ka?’ ‘Pasensiya na ho.’ Pinost ko ‘yung video to protect myself,’” sabi ni Yutuc.

Pero ano nga ba ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon?

Ayon kay Atty. Melanie Mejia, Attorney II ng Mawis Law Office, nakasaad sa Article 358 ng Revised Penal Code, na ang slander o oral defamation ay libel na nagagawa sa pamamagitan ng pagsasalita, tulad ng pag-aakusa sa isang tao na may ginawa siyang krimen, pagkakamali o depekto na hindi totoo.

Kung malagay sa sitwasyon ni Yutuc, dapat mag-request ang isang customer ng CCTV footage para mapatunayan ang akusasyon ng pagnanakaw.

Kung wala namang CCTV, maaaring humingi ng tulong sa abogado, at huwag pumayag na sa publiko gawin ang pag-uusap kundi humiling ng kuwarto kung saan maaaring mag-usap.

Maaari ring dumulog ang customer sa management ng grocery para humingi ng public apology.

Noong Marso 17, nagpulong na ang dalawang panig, kung saan humingi ng tawad ang internal security na siyang nakakita umano kay Yutuc.

“Ako po ay taos-pusong humihingi ng paumanhin kay sir Marco dahil sa totoo lang po sobrang laking trauma po ‘yung nangyari sa akin. Hindi na po ako makalabas ng bahay. Natatakot po ako,” sabi ng internal security.

Sinubukan ding hingian ng Dapat Alam Mo! ang pamunuan ng grocery at security agency pero hindi pa sila sumasagot hanggang ngayon sa request.

Pero sa opisyal na Facebook page ng grocery, nagpost ang grocery ng maikling pahayag na sinabing nasaktan ito sa nangyari sa hindi pinangalanang lalaki, at inaayos na nila ito nang pribado.-- FRJ, GMA Integrated News