Nauuso ngayon ang ear candling na bukod daw sa nakaaalis ng tutuli, nakakapagpa-relax pa. Pero totoo nga ba ito at ligtas bang gawin?  Paano nga ba tamang pangangalaga sa ating tenga? Alamin.

Sa programang "Pinoy MD," sinabing sa ear candling, ipinapasok ang kabilang dulo ng "kandila" sa loob ng tenga at sisindihan naman ang kabilang dulo nito.

May inilalagay din bagay o papel na pangharang sa mukha upang proteksyon sakaling may upos na manggagaling sa kandila.

Ang naturang kakaibang uri ng kandila na ginagamit sa ear candling ay gawa raw sa paraffin at beeswax.

Si Charlyne Olea, sumailalim sa traning upang magsagawa ng ear candling.

Sinubukan niya ito sa anak niya na nagkaroon ng problema sa tenga dahil sa namuo at tumigas na tutuli.

Pero nauna na niyang dinala ang anak sa duktor kung saan sumailalim ang bata sa ear microsuction para matanggal ang namuong tutuli.

Ayon kay Olea, naalis naman ang tutuli ng kaniyang anak pero tila nagkaroon ito ng phobea sa proseso dahil nakaramdam ito ng sakit sa tenga na tumagal ng isang linggo.

Kaya nang matuto siya ng ear candling, una raw niya itong sinubukan sa kaniyang anak. Noong una, natakot umano ang bata, pero nang matapos ang proseso, nakaramdam umano ito ng ginhawa at walang sakit na naramdaman.

Nagagawa raw ng ear candling na linisin ang tenga dahil nahihigot ng usok ang tutuli, at naiipon sa dulo ng kandila.

Kapag nasagad na apoy, bibiyakin ang dulo ng kandila para makita ang nahigop na tutuli.

Pero ayon kay Olea, hindi siya basta-basta tumatanggap ng kliyente na nagpapa-ear candling sa kaniya.

Aniya, pinapayuhan muna niya ang kliyente na magpatingin sa espesyalista kung may idinadaing itong masakit sa tenga.

"Kasi baka mamaya pumunta ka lang sa akin nagpa-ear candling ka tapos naging worst pala yung sitwasyon," saad niya.

Ayon sa ENT specialist si Dr. Dominador Garduño III, posibleng hindi ligtas ang ear candling dahil malapit sa mukha ang apoy ng kandila.

Maaari umanong magliyab ang buhok ng tao o ang damit nito sakaling madapuan ng apoy.

Maaari din umanong magkaroon ng impeksyon sa tenga kung hindi sterilized o malinis ang bagay na ipapasok sa tenga.

Payo ni Garduño, isang beses lang kada buwan dapat nililinis ang tenga. Sapat na raw na punasan lang ng tuwalya o tela ang paligid ng tenga pagkatapos maligo.

Hindi rin umano kailangang kalikutin ang loob ng tenga gamit ng cotton buds.

Sabi pa ng duktor, bukod sa may sariling paraan ang tenga para linisin ang sarili, ang earwax o tutuli ay nagsisilbing moisturiser sa tenga at anti-bacterial.

"Ngayon kapag tinanggal mo 'yan nang tinanggal, what will happen to your ears magda-dry siya," paliwanag ni Garduño. --FRJ, GMA Integrated News