Kung mainit, marumi at siksikan ang kadalasang eksena sa mga kulungan, ibahin ang Mandaluyong City Jail. Ito ay high-tech, maluwag at moderno para sa mapangalagaan at mabigyang pag-asa ang mga persons deprived of liberty.
Sa kuwentong “Brigada” ni Katrina Son, sinabing “state of the art” at pinaka-hi-tech na kulungan sa bansa ang bagong Mandaluyong City Jail na sakop ang 2,500 square meters at may siyam na palapag, fully-functional elevators, generator at solar panel power backup.
Ipinagawa ito sa halagang P429 milyon sa ilalim ng Build Build Build program ng Duterte administration.
Ayon kay Jail Superintendent Lino Soriano, male dormitory warden ng Mandaluyong City Jail, ang kanilang pagsasaayos ng kanilang kulungan ay nabuo sa pakikipagtulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan, para matugunan ang congestion rate sa Mandaluyong, at mabigyan ng maayos na kalagayan ang PDLs.
Sa halip na pahalang, ginawang paitaas ang pagdadagdag ng iba pang kuwarto at pasilidad para matugunan ang mga PDL.
Dati, hanggang 100 PDL lamang ang kayang tanggapin ng lumang gusali ng Mandaluyong City Jail. Pero lumobo ang bilang ng kanilang mga PDL sa 1,000 dahil sa war on drugs noon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa mga elevator, meron din itong sports and recreation at multi-purpose court para sa sports activities ng mga PDL. May music and arts center din kung saan puwedeng magpinta ang mga PDL na may talento.
Bantay-sarado ang bawat palapag ng city jail, na minamanmanan ng CCTV cameras sa situation room. Binabantayan din ng mga awtoridad ang paggalaw ng lupa sa mga naka-ambang paglindol.
Nakokontrol din ang lock sa bawat selda ng city jail gamit ng computer, kaya kusa na itong bumubukas sa isang tick lang ng mga jail guard.
Nakahanda naman ang kanilang generator at solar panel power backup kapag nagkaroon ng malawakang power interruption.
Gamit naman nilang panglinis ng pasilidad ang tubig ulan, na iniimbak at idinaraan sa isang filtration system para maalis ang mga dumi nito.
Hindi siksikan ang mga PDL sa loob ng isang selda kumpara sa ibang piitan, dahil may sariling higaan ang bawat PDL sa mga triple decker.
Para maalis ang pagkabagot dulot ng pagkawalay sa pamilya, nagsasagawa ang Mandaluyong City Jail ng mga programang nagbibigay-aliw sa mga PDL.
Kahit hi-tech ang piitan, mas ipinagmamalaki ng Mandaluyong City Jail ang After Care program, kung saan may mga programa pa rin para sa mga dating inmate kahit nakalaya na sila.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News
