Dahil hindi natutukan ng dating may-ari, ibinenta ang isang paresan sa isang mag-asawa na mahilig magluto. Para makabangon, pinasarap pa nila ang pares recipe at dinagdagan ng putok-batok na lechon pares.

Sa programang “Pera Paraan,” itinampok ang millennial entrepreneurs at couple na sina Mark at Ella Mapili, na sumalo sa mainit at malinamnam na pares.

Oktubre noong nakaraang taon nang ibenta sa kanila ng kanilang kaibigan ang Pards Pares na hindi na kumikita dahil hindi na natututukan.

Nakita naman nina Mark at Ella ang potensiyal ng kainan dahil nasa matao itong lugar. Kaya ibinenta nila ang kanilang sasakyan para magkaroon ng puhunan.

Binili nila ang paresan sa halagang P200,000 at dinagdagan nila ito ng P100,000 para bumili ng iba pang mga kagamitan.

Alam ng mag-asawa na hindi sapat ang magandang puwesto kaya pinasarap pa nila ang recipe ng kanilang paresan.

Nitong Marso, nagpasya sina Mark at Ella na dagdagan ng litson ang kanilang menu, base na rin sa suhestiyon ng mga kaibigan nilang cook.

Gaya ng ibang negosyo, nakaranas din ng pagsubok sina Mark at Ella, dahil na rin sa kompetisyon ng mga katabi nilang mga kainan.

Sa tulong ng social media, dumami ang nakaalam ng kanilang lechon pares. Kaya lumawak na ang kanilang dining area at puwede nang kumain nang nakaupo ang mga customer, at hindi na lang puro nakatayo.

Mula sa dati nilang kinikita na mula sa P2,000 hanggang P5,000 kada araw, nadagdagan ito ng P3,000 hanggang P7,000 ngayon.

Tunghayan sa Pera Paraan ang recipe nina Mark at Ella sa paggawa nila ng mainit at masarap nilang lechon pares. --FRJ, GMA Integrated News