Naging inspirasyon ng isang dating ice candy vendor na judge na ngayon sa Benguet ang kaniyang ina na masigasig na itinaguyod silang magkakapatid makaraang pumanaw ang kanilang padre de pamilya.
Sa panayam ng Mornings with GMA Regional TV nitong Huwebes, ibinahagi ni Benguet Municipal Circuit Trial Court Judge James Abalos Fernandez, ang kaniyang buhay.
Ayon kay Fernandez, kabilang ang pamilya nila noon sa tinatawag na "isang kahig, isang tuka," na kailangang magpursige at maghanapbuhay para may makain ang pamilya.
"'Yon ang nakagisnan ko noon [na buhay] at ito naman ang parang naging inspirasyon ko para magpursige ako sa akng mga pangrap. Dahil ayaw ko na pong maranasan ulit ang hirap na naranasan ko noong kabataan ko," paglalahad ng hukom.
Edad 10 umano si judge Fernandez nang pumanaw ang kanilang padre de pamilya. Magmula noon, nagsimula na rin siyang magtinda ng ice candy, at iba pang puwedeng ilako gaya ng lumpia.
Bukod sa pagtulong sa pamilya, ginawa ni judge Fernandez ang pagtitinda para matustusan din ang kaniyang pag-aaral. Kaya naman pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho hanggang high school at kolehiyo.
Ayon sa hukom, kasama sa kaniyang inspirasyon upang magsikap ang kaniyang mahal na ina.
Nakita umano niya ang kaniyang ina napupunta sa iba't ibang barangay na may bitbit na basket at suong ang bilao para makapagtinda at nang may maipalit na bigas na kanilang kakainin.
Sinabi rin ni judge Fernandez na dahil sa kanilang kahirapan noon, may mga kapatid siyang hindi nakatapos ng pag-aaral. Kasama rin ito sa naging motibasyon niya upang magpursige na makapagtapos at abutin ang kaniyang pangarap.
Ang nakamit na tagumpay, alay daw niya sa kaniyang mga magulang, lalo na sa kaniyang ina.
"Nakita ko po yung paghihirap niya para lang maitaguyod yung aming pamilya. Sa kanya ako talaga kumukuha ng lakas noon para magpursige sa aking pag aaral," anang hukom.
Mensahe niya sa ibang nakakaranas ng katulad na pagsubok sa buhay na pinagdaanan niya noon, huwag susuko.
"Walang imposible po sa taong may pangarap. Kailangan lang natin na magpursige at maging determinado na gawin lahat ng ating makakaya para matupad po ang ating mga pangarap," payo ni judge Fernandez, na sinabi ring huwag kakalimutan na palaging hingin ang tulong ng Diyos.-- FRJ, GMA Integrated News
