Nang dahil sa pag-ibig, pagsisikap at sa ginagawa niyang pulutan sa inuman na sisig, nagbago ang takbo ng buhay at naging milyonaryo ng isang dating tambay at tumador sa tabi ng riles sa Lucena City, Quezon.

Kuwento ni Tonio Hachaso Jr. sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," isang kahig-isang tuka silang mga nakatira noon sa tabi ng riles ng tren.

Katunayan sa hirap ng kanilang buhay, naranasan nilang hindi makakain nang hindi sila makautang.

Truck driver ang ama ni Tonio at hindi raw sapat ang kita nito para sa pangangailangan nilang anim na magkakapatid.

Ang masaklap pa nito, walong-taong-gulang pa lang si Tonio nang pumanaw ang kanilang padre de pamilya dahil sa sakit.

Dahil may mga pamilya na ang iba niyang kapatid, napilitan na si Tonio na dumiskate para kumita kahit bata pa lang sa pamamagitan ng pagtitinda ng plastik sa palengke.

Pero nang tumungtong na siya ng high school, natuto na rin siyang bumarkada at naging tambay at manginginom sa tabi ng riles. May pagkakataon pa na napapasabit siya sa gulo.

"Yung pag-iinom parang pang araw-araw na naming buhay. Dahil wala na akong father so walang nagbabawal sa akin. Kaya siguro ako napunta sa ganung pagkakataon," paliwanag ni Tonio.

Ang kaniyang ina na si Natividad, aminadong naging problema niya noon si Tonio pero hindi niya ito sinukuan.

Hanggang sa mahulog ang loob ni Tonio sa kanilang kapitbahay sa riles na si Rowena, na kinalaunan ay naging nobya niya.

Dahil kilalang tambay sa lugar si Tonio, may agam-agam ang mga magulang ni Rowena na baka mapunta lang sa lalaking walang kinabukasan ang kanilang anak.

Gayunman, dahil nakita ni Rowena na kabutihan sa pagkatao ni Tonio, kinausap niya ito at pinangaralan na kailangan nitong baguhin ang buhay para hindi niya iwanan.

At dahil mahal ni Tonio si Rowena, nagsikap at naging working student siya upang makapagtapos ng pag-aaral. Kabilang sa pinasok niyang trabaho ang paghuhugas ng pinggan at waiter sa mga bar, at nagbenta din ng tubig sa riles

Mahirap man ang kaniyang kalagayan, hindi sumuko si Tonio para maabot ag kaniyang pangarap hanggang sa nakapagtapos na siya sa kolehiyo.

Nang magkaroon ng trabaho na minimum wage lang ang kita, nagpakasal na sila ni Rowena. Nangupahan sila isang bahay na nasa sa ilalim ng tulay.

Naging mahirap daw ang mga unang taon ng pagsasama ang mag-asawa. Para makatipid, si Tonio ang nagluluto at inihahanda niya ang madalas niyang iluto noon sa inuman para gawing pulutan--ang sisig.

Hanggang sa naisipan ng mag-asawa na gawing negosyo ang sisig. Sa puhunang P1,000, nagluto si Tonio ng sisig na ibenta niya sa palengke na agad namang nauubos.

Dahil pumatok ang kanilang sisig, bukod sa palengke, nagbebenta na rin sila ng sisig sa mga night market at umaabot sa P5,000 hanggang P10,000 ang kanilang kita bawat gabi.

Hanggang noong 2018, nakakuha na sila ng puwesto o tindahan. Bumili rin si Tonio ng isang motorsiklo para magamit niya sa pagdedeliver ng sisig.

Nang lumakas pa lalo ang kanilang negosyo, tuluyan na silang tumigil sa trabaho para tutukan ang kanilang sisig business.

Ngayon, may sarili na silang planta na gawaan ng sisig, at abot na sa 50 katao ang kanilang tauhan, na karamihan ay dati ring mga tambay sa riles.

Nadagdagan na rin ang motorsiklo nila na gamit sa pagdeliver ng sisig, bukod pa sa van at truck.

Ngayon, hindi na umano bababa sa P300,000 kada buwan ang kita nina Tonio at Rowena sa kanilang negosyo.

Kaya naman nagpapatayo na rin sila ng kanilang dream house at farm.

Si Nanay Natividad, proud na proud sa nagawa ng kaniyang anak na si Tonio. Pero kahit may maayos nang bahay ang kaniyang anak, mas pinili pa rin niya na manatili sa maliit nilang bahay na malapit sa riles dahil hindi niya maiwanan ang alaala ng kanilang padre de pamilya.

Si Tonio naman, kahit asensado na at malayo na ang narating, patuloy pa ring binabalik-balikan ang riles na kaniyang kinagisnan.

"Kahit naman umangat ng kaunti ang buhay namin, hindi ko pa rin naman malilimutan kung saan ako nanggaling. Bilang balik-tanaw, tumutulong ako sa mahihirap na pamilya," ayon kay Tonio. -- FRJ, GMA Integrated News