Bukod sa nakaka-relax, tiyak na tanggal ang lamig sa katawan dahil sa kakaibang masahe na ginagamitan ng apoy na tinatawag na "fire therapy."
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Bernadette Reyes, nilalagyan ng binasang tuwalya ang likod ng magpapamasahe, at saka lalagyan ng kaunting alcohol at saka sisilaban. At kasabay ng hagod sa likod ay mararamdaman din ang init ng dulot ng apoy.
Ang nagsasagawa ng fire therapy na si Jeffrey Gornal, nagmula sa pamilya ng mga manghihilot.
Ayon kay Gornal, hindi sapat ang hilot lang para maibsan ang sakit sa katawan kaya fire therapy ang kaniyang naging solusyon.
Sinabi ni Gornal na ginagamit niya ang apoy para sa iba’t ibang parte ng katawan na nakararamdam ng sakit, lalo na ang likod dahil naroon ang nervous system.
Inaabot ng anim na buwan ang training course para sa fire therapy, na isinasagawa bago ang bone setting therapy o pagpapalagutok ng kasukasuan o joints.
Pinalalambot ng fire therapy ang kasukasuan at nai-stimulate nito ang nerves para madaling palagutukin.
Sinabi pa ni Gornal na kabilang sa ginagamot ng fire therapy ang back pain at frozen shoulders.
Gayunman, hindi lahat ng tao ay maaaring mag-fire therapy, tulad ng mga hypertensive, high blood, o mga skin condition.
Isang uri ng tradisyunal na gamot ang fire therapy sa Tsina, sa paniniwalang binabalanse nito ang mainit at malamig na temperature ng katawan para maiwasan ang pagkakasakit.
Paliwanag naman ng Physical Medicine and Rehabilitation Specialist na si Dr. Philippe Hubert Co, walang ebidensya na sumusuporta sa paggamit ng fire therapy, lalo’t hindi nako-kontrol ang lakas ng init na nararamdaman ng pasyente kaya maaaring humantong sa disorders gaya ng first o second degree burns.
Ngunit sa mga therapeutic modalities na ginagamit sa rehab centers, namo-modulate ang tindi ng init na nililipat sa katawan ng pasyente.
Ayon kay Gornal, sa apat na taon niyang panghihilot, hindi pa siya nakasunog ng balat.--FRJ, GMA Integrated News
