Dahil pumatok ang benta sa pagtitinda ng yelo na naka-plastic, umabot na sa 14 ang freezer sa bahay ng babaeng tinaguriang “Miss Yelo.” Ang kita ng kaniyang pamilya sa yelo bawat buwan, kayang umabot ng P80,000. Pero hindi rin biro ang gastos sa kuryente.
Sa programang "Pera Paraan," ikinuwento ni Joedilyn Ugalde, na binansagang “Miss Yelo” sa palengke sa kanilang lugar, na nasa high school siya noon nang simulan ng kaniyang pamilya ang negosyo nilang yelo.
Mula sa paisa-isang bili ng mga kapitbahay, naging maramihan na ang bumibili sa kanila ng yelo nang mag-supply na rin sila sa palengke na kailangan ng mga nagtitinda gaya ng isda.
“May isang tao, limang piraso ang binibili sa amin, may isang tao, hanggang 20 pieces ‘yung binibili. Ang pinakamarami na isang tao na sinusuplayan namin is umaabot ng 40 pieces na yelo,” sabi ni Ugalde.
Kung minsan, hindi raw maiwasan na mapagalitan sila ng ibang kliyente kapag kinulang sila sa delivery. Kapag sobrang dami ng order, sumasakit ang kamay ng kaniyang una gumawa ng yelo.
Para makatulong sa kaniyang ina, nagdesisyon na rin si Miss Yelo na tumulong na paggawa ng yelo at maging sa pagdede-deliver nito.
Nagsimula sina Ugalde sa isang freezer na kayang magkarga ng 80 hanggang 120 na supot ng yelo na nagagawa sa isang araw. Ngayon, 14 na ang kanilang freezer na kayang makagawa ng 350 hanggang 400 na piraso ng yelo kada araw.
Naging daan ang mga yelong kanilang ibinibenta para magkaroon sila ng dagdag na pinagkakakitaan na umaabot ng P60,000 hanggang P80,000 kada buwan.
Dahil dito, nakapagpatayo na sila ng bahay at nakapagpundar pa ng mga motor.
Pero hindi rin biro ang gastos sa paggawa ng mga yelo dahil nasa P36,000 hanggang P37,000 sa kanilang electric bill. Kaya naman gumagawa sila ng diskarte para makatipid. Tunghayan ang kuwento ng kanilang pagsisikap sa buhay. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News
