Kapiling nang muli ng 67-anyos na si Mary Jane Ledason ang kaniyang kalabaw na si "Doro" na parang anak na ang kaniyang turing. Una rito, naiyak si Lola Mary nang mapilitan siyang ibenta ang kaniyang alaga na katulong niya sa pagsasaka dahil kinailangan niya ng pera.
Sa isang video ni Aliyah Raguindin na ibinahagi ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapapanood ang emosyonal na muling pagsasama nina Lola Mary Jane at si Doro, na 30 taon na niyang alaga.
Sa video, makikitang tila excited pa at nagmamadaling bumaba si Doro mula sa sasakyan, habang hindi napigilan ni Nanay Mary Jane na muling mayakap ang kalabaw.
“Sa tulong ng ating programa at ng ating mga manonood, nitong Miyerkules, natubos na ni Nanay Mary Jane si Doro,” ayon sa Facebook page ng KMJS.
“Magkasama na silang muli.”
Matatandaang inere sa KMJS nitong nakaraang Linggo ang video na makikitang emosyonal na pagpapaalam ni Lola Mary Jane kay Doro nang ibenta niya ito sa halagang P68,000.
READ: Lola, hangad na matubos ang alaga niyang kalabaw na itinuring na niyang anak
Kinailangan ni Lola Mary Jane ng pera para sa kaniyang mga sakit at pangangailangan ng pamilya.
Hinahanap ko siya, akala ko andoon pa siya nakatali. Malungkot dahil wala na akong babatakin na kalabaw. Nagsisisi ako na ibenta dahil ngayon nga wala na akong katuwang sa paghahanapbuhay,” sabi ni Lola Mary Jane sa KMJS.
“Gusto ko sanang maibalik si Doro para ‘yung pag-iyak ko araw-araw mahinto na. Dahil parang mamamatay na ako kapag hindi ko makita si Doro,” dagdag pa niya. -- FRJ, GMA Integrated News

