Pagsapit ng "ber" months, nagiging negosyante ang isang housewife sa Marikina para magtinda ng puto-bumbong. Ang kaniyang kinikita sa isang araw, umaabot sa P3,500 labas na ang puhunang P2,000.
Sa programang "Pera Paraan," ikinuwento ni Cecille Caluma, 51-anyos, na dalawang dekada na siyang nagtitinda ng puto-bumbong kapag sumapit na ang "ber" months.
Ang biyenan daw niya noon ang nagtitimpla ng recipe ng kanilang puto-bumbong, na kaniya in-upgrade sa paglipas ng panahon.
Ang classic puto-bumbong na pinasarap ng niyog at asukal na mascuvado, nagkakahala ng P35 ang kada order.
Puwede itong i-level up sa overload puto-bumbong na P50 na may kasamang cheese at gatas. Habang ang overload na sinamahan pa ng leche plan, P60 ang presyo.
Kahit medyo malayo ang puwesto ni Cecile mula sa simbahan, dinadayo pa rin siya ng kaniyang mga parokyano pagkatapos na magsimba.
Nagbubukas sila tuwing 3:00 pm hanggang hatinggabi.
Sa P2,000 na puhunan sa tuwing magtitinda, kumita raw si Cecile ng P3,500 kada araw, na malaking tulong sa kaniyang pamilya.
"Kapag 'ber' months, wala nang pahinga. Sinusulit na namin kasi pagkatapos na naman ng December pahinga na naman kami. Next year na ulit," ayon kay Cecile, na natutuwa kapag nakakasama niya ang kaniyang mga anak at biyenan kapag nagtitinda.
Payo naman ni Cecile sa mga nais magtinda ng puto-bumbong, hindi sapat na masarap lang ang produkto, dapat maging magiliw din sa mga bumibili para magkaroon ng maraming suki.
Paano nga ba gawin at lutuin ang puto-bumbong? Panoorin ang video kasama si Susan Enriquez na dati ring nagtinda ng puto-bumbong.-- FRJ, GMA Integrated News
