Dahil kailangang tustusan ang pangangailangan ng pamilya, kung minsan ay wala nang naitatabi para sa sarili ang isang breadwinner. Alamin kung paano nga ba ang tamang budgeting na kailangan niyang gawin upang ma-enjoy niya rin ang kaniyang pinagpaguran.

Sa isang episode ng programang "Unang Hirit," ipinaliwanag ng financial expert na si Guen Salmorin, na isa ring proud breadwinner, ang budgeting method na: “55, 5, 10, 10, 10, 10.”

Ang mga numero ay kumakatawan sa porsiyento ng kita na kailangang ilaan para sa iba't ibang pangangailangan.

Ang pinakamalaking bahagi na 55% ay para sa mga gastusin. Kasama rito ang pagkain, transportasyon, at utility bills, insurance (5%) at nasa 10% hanggang 20% para sa pamilya.

Ang sumunod naman na 5% ay "gift" na ilalaan para ibigay o ipangtulong sa mga taong nais tulungan.

Ang apat na 10% ay para sa iba't ibang uri ng mga pondo para sa sarili gaya ng "emergency fund", na dapat ay tatlo hanggang anim na buwang halaga ng iyong kita; 10% para sa "financial freedom"; 10% para sa educational fund para sa iyong sarili o sa mga kapatid at kamag-anak; at 10% para sa "play fund," na maaaring gastusin sa pamimili o pagkain sa labas.

Ayon kay Salmorin, ang pagbabalanse sa sarili at pamilya ay ang pinakamalaking hamon para sa mga breadwinner.

"Ang nangyayari kasi do’n is nabubuo yung ‘Superhero Mentality’ ng mga breadwinners [na dapat unahin yung iba bago ang sarili], but you guys also have your own dreams, your own goals,” sabi niya.

Idinagdag niya ang kahalagahan ng pagtigil sa pagpasa sa mga hamon ng pagiging breadwinner sa susunod na henerasyon.

“That is the purpose of your financial freedom fund,” anang financial expert.

Bukod sa ganitong klase ng pagba-budget, iminumungkahi rin ni Salmorin na dagdagan ang kita sa pamamagitan ng side hustles.

“Find your skill, your talent, and use it for the extra time you have after work or weekends, talagang hustle, but it’s really possible,” sabi niya. --FRJ, GMA Integrated News