Bukod sa selebrasyon ng pagmamahalan sa Araw ng mga Puso sa Miyerkules, Pebrero 14, ipinaalala rin ng Simbahang Katolika sa mga mananampalatayang Katoliko na simula rin ito ng araw ng pangingilim o pag-aayuno na kasabay ng Ash Wednesday.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing ang Miyerkules ng Abo ang hudyat ng panahon ng kuwaresma o mahigit 40 araw bago ang Pasko ng Pagkabuhay.
Nagaganap ito sa iba't ibang petsa sa bawat taon na nakabatay sa petsa ng Semana Santa. Maaaring pumatak ang Ash Wednesday sa pinakamaagang araw ng Pebrero 4 o ang pinakahuli naman ay sa ika-10 ng Marso.
Ngayong 2024, pumatak ang Ash Wednesday sa Pebrero 14, na kasabay ng Araw ng mga Puso.
Kaya naman paalala ng Simbahang Katolika, bukod sa pagdiriwang ng pagmamahalan, huwag din sanang kalimutan ng Katoliko ang kahalagahan ng pangingilim.
"While the Valentine's Day is special to many, alin ba? mamili ka kung ano ang gusto mong i-celebrate," sabi ni Rev. Fr. Ilde Dimaano, Parish Priest. St. Mary Euphrasia Parish, Archdiocese of Lipa, para sa mga katoliko.
"It is I think a little to do with the faith. Kung mayroon man, that story of Saint Valentine na isang martyr [na] he died for the Christian faith," patuloy niya.
Ang paglalagay umano ng abo sa noo sa Ash Wednesday ay tanda ng pagsisisi sa kasalanan. Ayon sa simbahan, nararapat na mangilim o magsakripisyo kapag mayroon kang abo sa noo.
Ang ilang Katoliko na tinanong, sinabing dapat pa rin mangilim sa panahon ng Araw ng mga Puso.
Ang paggunita rin umano ng Ash Wednesday ay paalala na ang tao ay galing sa abo at sa abo rin mapupunta. Kasabay nito ang pagsisisi sa kasalanan dahil na rin sa maraming kaguluhan na nagaganap sa mundo.
Hinihimok din ng pari ang mga Katoliko na patuloy na pagtibayain ang pananalig sa papamagitan ng sakripsyo at pagtulong sa kapuwa.--FRJ, GMA Integrated News