Labis ang pag-aalala ng mga magulang ng isang batang babae na dalawang-taong-gulang nang mahulog siya at tumama ang leeg sa bakal ng camping chair. Kumusta na kaya ang kaniyang kalagayan, at paano maiiwasan ang mga ganitong insidente sa mga bata?

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Niño Pitang, ama ng batang si Janine, na paborito talaga ng kaniyang anak na gamitin ang camping chair.

Hanggang sa nangyari ang insidente habang mag-isang naglalaro ang bata, at may inaasikaso naman silang mag-asawa nang may narinig silang kumalabog.

Nakita sa CCTV video ng kanilang bahay na sumalang pala ang paa ni Janine sa camping chair, tumama ang likod ng ulo nito sa sofa, bago tumama ang kaniyang leeg sa bakal ng camping chair.

Narinig nila ang pag-iyak ng bata habang nakadapa sa ibaba ng sofa. Kanila itong pinakalma at pinainom ng tubig.

Sinabi ng Una Medica pediatrician na si Dr. Mary Grace Galarido, mabuti na hindi natusok ng bakal sa leeg ang bata.

Ayon kay Galarido, mahalagang maging kalmado sa mga ganitong sitwasyon, gaya ng ginawa ni Pitang.

“Ang unang gagawin is check for consciousness. So i-check kung gising ba ‘yung bata, o nawalan ba siya ng malay. So i-check ‘yung mga specific part ng body na tumama. So i-check kung may sugat, may bukol, o kaya naman may mga bleeding,” anang pediatrician.

Mainam din na gumamit ng simple at klarong lengguwahe na madaling maiintindihan ng mga bata kung tuturuan sila ng safety rules at hazards sa bahay.

“Kailangan tuturuan din natin sila. Sasabihan natin sila ng mga hindi nila pwedeng gawin para alam din nila kung ano ‘yung pwedeng nilang iwasan,” sabi ni Galarido.

Para tiyaking ligtas ang mga anak, dapat umano na gawing childproof ang bahay.

“Make sure ‘yung mga outlets, ‘yung mga electrical outlets natin may covers,” payo ni Galarido.

Ilagay din sa lugar na hindi maaabot ang mga matatalim na bagay gaya ng utensils.

Maaari ring makadisgrasya ang mga gilid ng mga mesa o cabinet, kaya mainam na lagyan ito ng corner bumper guard.

Tiyakin ding hindi maaabot ang mga kalan.

Alamin sa video ang kalagayan na ngayon ni Janine, at ano ang mga tips para parang child proof ang mga bahay. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News