Taong 2020 na panahon ng pandemic nang magsilang ng baby girl ang isang 33-anyos na single mom na mula sa Davao Oriental. Nang ibigay sa kaniya ang sanggol, may napansin sila na hindi tama at nag-iwan sa kaniya ng tanong sa loob ng apat na taon kung napalitan kaya ang kaniyang anak sa ospital?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Margie, na isinilang niya ang kaniyang anak na si “Hamil,” hindi nito tunay na pangalan, sa isang ospital noong Marso 22, 2020, na kasagsagan ng pandemya.

Pagkasilang, hindi agad nakita ni Margie ang kaniyang anak. At nang ibigay na sa kaniya ang bata, napansin nila ng kaniyang ina na iba ang kulay ng balabal ito na pink na luma, kumpara sa inihanda nilang kulay asul at bago.

Napansin din ng kaniyang ina na si Gina, na iba rin ang nakasulat sa tag ng baby.

Tinawag daw nila ang atensyon ng isang nurse tungkol sa kanilang napansin pero parang wala umano itong nadinig.

“Nilingon lang ako na parang walang narinig, tapos umalis. Ang sabi ni nanay, ‘Aba pinag-tripan lang ito ng nurse o baka dahil lang ito sa suot kasi medyo luma,” sabi ni Margie.

Binalewala na nila ang mga napansin nila at iniuwi ni Margie ang sanggol na ibinigay sa kaniya at minahal bilang anak

Ngunit dumaan ang mga taon, ipinagtaka ni nanay Gina ang tila hindi nila nakakahawig ang apo, maging ang ina nito na si Margie.

“Kung sa physical appearance, hindi naman talaga siya resemblance sa amin. Siya maputi, look at our skin, morena; siya singkit kami naman mga fierce look; siya kulot, tapos kami mga straight,” sabi ni Margie.

Kalaunan, naalala ni Margie na may kasabayan siyang nanganak sa naturang ospital. Nagpadagdag pa sa kanilang isipan na posibleng nagkaroon ng baby switching dahil na rin sa katulad na kasong naitampok sa KMJS na kanilang napanood.

Mayo noong 2024 nang makipag-ugnayan na sina Margie sa pamunuan ng ospital na Davao Oriental Provincial Medical Center, at apat na taong-gulang na ang kaniyang anak.

Matapos malaman na posible ngang nagkaroon ng baby switching sa ospital, at sa ikakapanatag na rin ng loob ng lahat, isinailalim sa DNA test sina Margie at Hamil.

“Nalaman namin August 18 na nag-negative kami sa DNA. Therefore, I am not the biological mother of my daughter,” sabi ni Margie. “Umiyak ako na ‘yung walang boses na walang tumulong luha. Biglang gumuho ang mundo ko,” sabi ng ginang.

Natukoy naman ng Davao Oriental Provincial Medical Center ang pagkakakilanlan ng isang ginang na kasabayang nanganak ni Margie, na 10 minuto lang ang pagitan.

Simple ang pamumuhay ng pamilya ng ginang na si Esmeralda, 42-anyos, at kasama nito ang anak na si “Hazel” [hindi tunay na pangalan], na kaedad ni Hamil.

Si Hazel, bilugan ang mga mata, habang singkit naman si Esmeralda. Manipis din ang buhok ng bata, kumpara sa kaniya na makapal.

“Sinasabi nila na iba ang magulang niya. Sabi ko ‘Uy! Magsitahimik kayo riyan, kasi hindi ‘yan totoo!” sabi ni Esmeralda patungkol kay Hazel.

“Feel ko na anak ko talaga siya. Sa tingin ko kahawig lang niya ang nanay ko,” giit niya.

Hanggang sa dinalaw na si Esmeralda ng mga taga-ospital kung saan siya nanganak nitong nakaraang taon dahil sa posibleng baby switching nila ni Margie, na ikinagulat niya.

Nag-atubili rin silang magsagawa ng DNA test, at hindi rin sila pumunta sa ospital dahil sa paniniwala ni Esmeralda na tunay niyang anak si Hazel.

Plano raw sana ng mga taga-ospital sa bahay sina Ermeralda noong December pero pinayuhan sila na huwag gawin dahil sa maulan at peligroso ang daan.

Gayunman, nagdesisyon na si Margie na siya ang personal na makipag-ugnayan kay Esmeralda.

“Pagkakita niya kay Hazel, tumingin siya na parang may lukso raw ng dugo. Umiyak siya nang umiyak. Sabi niya ‘Ate, nagpalit talaga raw. Anak ko talaga ‘yan! Parang na-shock ako. Wala akong masabi noon,” kuwento ni Esmeralda nang makita ni Margie si Hazel.

Si Esmeralda naman, nakita na rin ang litrato ng posible niyang anak na si Hamil.

“Napansin ko rin ‘yung mata niya, ‘yung buhok niya, kutis niya na may pagkaputi siya. Nagulat ako. Tiningnan ko lang siya,” sabi ni Esmeralda.

Dahil dito, nakumbinsi na rin si Esmeralda na magpa-DNA test para makumpirma kung anak niya nga ba talaga si Hazel.

Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang madamdaming tagpo nang personal na ipakita nina Margie at Esmeralda ang kanilang mga anak na sina Hamil at Hazel sa isa't isa.

Sa susunod na linggo, malalaman na rin ang resulta ng crossmatch DNA testing sa dalawang mag-iina. Ano kaya posibleng gawing aksyon ng Davao Oriental Provincial Medical Center sa mga staff na maaaring responsable kapag nakumpirma na napagpalit ang mga anak ng dalawang ginang. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News