Nakumpirma sa DNA crossmatching na nagkapalit ng mga sanggol ang dalawang ginang nang magsilang sila ng kanilang mga anak noong 2020 sa isang ospital sa Davao Oriental. Ang dalawang bata, magkaiba ang mundong kinamulatan-- lumaki ang isa sa simpleng buhay sa bundok habang maging maginhawa naman ang buhay ng isa sa lungsod.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" noong nakaraang linggo, unang itinampok ang paghihinala ni Margie na baka hindi niya tunay na anak ang nauwi niyang sanggol na si "Camille" [hindi niya tunay na pangalan] dahil sa lumalaki ito na hindi nila kamukha.

BASAHIN: Mga sanggol sa unang dokumentadong kaso ng baby switching sa hospital, kumusta na ngayon?

Kahit nang raw na iluwal niya ang sanggol, may napansin na sila ng kaniyang ina na si Gina na kakaiba gaya ng pangalan na nakasulat sa tag ng baby, at iba ang kulay ng balabal nito nang ibigay sa kaniya.

Gayunpaman, iniuwi ni Margie ang sanggol, inaruga at pinalaki bilang kaniyang tunay na anak. Ngunit dahil hindi pa rin nawawala ang pag-aalinlangan nila ng kaniyang ina, nagpasyang magpa-DNA test sina Margie at Camille, at lumabas sa resulta na hindi sila magka-match, o hindi nga anak ni Margie si Camille.

Samantala, kung sa lungsod lumaki ang batang si Camille, sa bundok naman lumaki ang kasabay niyang sanggol na isinilang na si "Hazel" [hindi rin tunay na pangalan]. Nagtatanim ng mais ang kaniyang ama at ina na si Esmeralda.

Ayon sa pamunuan ng Davao Oriental Provincial Medical Center, nagdalawang-isip si Esmeralda na sumailalim sa DNA test dahil sa paniniwala nito na anak talaga niya ang naiuwi na si Hazel.

Pero nang puntahan ni Margie sa bundok si Esmeralda at ipakita ang larawan ni Camille na posibleng tunay niyang anak, pumayag na rin siyang sumailalim sa DNA test.
 
Ayon kay Esmeralda, nakaramdam siya ng sama ng loob, at hindi niya napigilan na maiyak nang malaman na posibleng hindi niya anak ang nasa kaniya, at nasa ibang tao ang tunay niyang anak.

Sinabi ni Margie na tila batid na ni "Camille" ang sitwasyon at hiniling niya na huwag siyang ibalik. Gayunman, iniisip ni Margie at ng kaniyang ina na si Gina, ang kalagayan ng posibleng tunay niyang anak na si Hazel na lumaki sa bukid.

Bago lumabas ang resulta ng DNA crossmatching, bumisita sina Margie, Gina, at Camille sa bundok na kinaroroonan nina Esmeralda at Hazel, na ipinakita sa nakaraang episode ng "KMJS."

Kaagad na naramdaman nina Esmeralda at mister niyang si Leonardo ang koneksyon nila kay Camille. 

Maging ang iba pang anak ng mag-asawa, malapit na kaagad ang loob kay Camille, ganoon din si Camille.

DNA test results

Gaya nina Margie at Camille, hindi rin nag-match sa DNA test sina Esmeralda at Hazel, na ibig sabihin ay hindi sila mag-ina.

Nag-match naman ang DNA ni Margie kay Hazel, ati Esmeralda kay Camille, na patunay na nagkaroon ng kaso ng baby switching sa ospital noong 2020.

"Ang anak ko nandoon kay Margie, OK lang pa rin. Tatanggapin ko pa rin kasi hindi ko siya binuhay. Siya nag-aalaga, nag-aaral siya," ani Esmeralda.

Naiiyak naman na sinabi ni Margie na, "Masaya ako kasi kumbaga nahanap ko 'yung totoong magulang ng bata na nasa sa akin."

Sa kabila ng nangyari, nagpasalamat ang magkabilang panig sa pagmamahal na iniukol sa dalawang bata bagaman naging magkaiba ang mundo na kanilang kinamulatan.

"Thankful naman ako na sila 'yung kinalakhan ng anak ko. Salamat kasi kayo ang nadatnan ng anak ko, minahal, inaruga or inalagaan, kinalinga. Kasi 'yun 'yung pinakamahirap hanapin sa ibang magulang. Maaaring may pera pero walang pagmamahal," sabi ni Margie kina Esmeralda at Leonardo.

Nagpasalamat din si Margie na naranasan ni Hazel ang kompletong pamilya dahil hindi niya maibibigay ang pagmamahal ng isang ama dahil isa siyang single mom. Gayunman, tinitiyak niya mamahalin at palalakihin niya nang maayos ang anak.

Nagpapasalamat din si Esmeralda kay Margie sa ginawang pag-aalaga kay Camille.

Ayon sa Psychologist na si Dra. Evangeline Castro, ang kalagayan ng mga bata ang pangunahing dapat isaalang-alang sa kanilang sitwasyon, at hindi dapat biglaan ang anomang gagawing pagbabago sa kanilang buhay.

"Hindi siya pwede i-shortcut, proseso talaga 'to. You have to extend your patience, pasensya ninyo sa bawat anak n'yo kasi sobrang laki ng mangyayaring change, lalo na nasa kamay ni Esmeralda, at sa kamay ni Margie ang environment na kinalakihan niya is iba," ani Dra. Castro.

Nagkasundo rin sina Margie at Esmeralda sa co-parenting set-up para sa dalawang bata.

Sinabi naman ni Atty. Iris Pauline Taganas-Bacaltos, na dapat unahin ang kapakanan ng mga bata. Ipinaliwanag din niya na internal agreement ang co-parenting.

Maaari naman umanong papanagutin ang ospital at tauhan nito sa nangyaring pagkakapalit ng mga sanggol.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang pamunuan ng Davao Oriental Provincial Medical Center pero nauna na nilang sinabi na mananagot ang sino mang mapapatunayan na nagkaroon ng kapabayaan.

Si Margie, desidido na magsampa ng civil case laban sa ospital.

"Babayaran nila lahat ng damages na naidulot nila sa bata at sa bawat pamilya," giit niya. —FRJ, GMA Integrated News