Isa ang "One Meal a Day" diet, o pagkain lang ng isang beses sa isang araw, ang ginagawang paraan ng ilang tao para magbawas ng timbang. Pero epektibo nga ba ito at ligtas na gawin? Alamin.
Sa isang episode ng "Pinoy MD," sinabi ng internist at functional medicine expert na si Dr. Rolando Balburias, na nakita ng mga dalubhasa sa isinagawang eksperimento noong 1970s na may magandang benepisyo sa katawan ang OMAD, o ang mahabang fasting.
"Nakita nila ang prolong fasting na nag-a-allow sa ating katawan para i-repair ito. Ang OMAD o one meal a day can truly benefit an individual," saad ni Balburias.
Pero ipinaalala rin niya na hindi para sa lahat ang OMAD diet, at may mga medical factors na dapat ikonsidera. Makabubuti umanong sumangguni muna sa healthcare professional bago ito gawin.
"Kailangang i-assess muna ang estado ng sistema ng iyong katawan," payo ni Balburias dahil kailangan sa mga dapat ikonsidera ang muscle mass at fat mass sa katawan ng tao na gagawa ng OMAD diet.
"Hindi lahat ay agad-agad puwedeng mag-engage sa OMAD, kailangan ito ay medically supervised," dagdag niya.
Hindi rin umano magiging epektibo ang OMAD sa pagpapayat kung ang kakainin ay mga highly processed foods.
"If ganiyan ang inyong kakainin, tataas 'yung insulin, at kapag mataas ang insulin sa ating dugo lalo na 'pag kayo ay may insulin resistance, hindi kayo papayat," paliwanag niya.
Magdudulot umano ng dagdag sa bigat ng tao kapag tumaas ang insulin level, at maaaring pagmulan ng problema sa kalusugan gaya ng diabetes.
Kung makakakuha ng go signal mula sa doktor, sinabi ni Balburias na maaaring gawin ang pagkain ng 9 a.m. pero hindi na dapat kumain pagkatapos ng 2 p.m.
Maganda rin umano na samahan ng ehersisyo ang OMAD diet.
"Puwedeng mag-exercise as long as klaro at medically supervised kung paano i-i-implement itong OMAD sa inyong araw-araw na pamumuhay," dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News