Mainit at masarap na tila mami ang "kinalas" ngunit malapot ang sabaw. Sa pagtitinda nito, naitaguyod ng single mom na si Aracely Samonte ang kaniyang pamilya at pag-aaral ng limang anak. At kahit 75-anyos na siya ngayon, tuloy pa rin siya pagtitinda dahil marami pa rin ang naghahanap ng kaniyang kinalas.

Sa programang "Good News," ikinuwento ni Nanay Aracely, mula sa Naga City, na galing siya sa payak na pamilya. Kaya naman natututo na agad siyang magbanat ng buto sa murang edad pa lang.

Pero nang maging 18-anyos siya, ipinagkasundo siya ng kaniyang mga magulang sa isang lalaki na hindi niya mahal.

Wala na siyang nagawa lalo pa't ang pagpapakasal niya sa lalaki ang naiisip na paraan ng kaniyang mga magulang para kahit papaano ay guminhawa ang kanilang buhay.

Sa pagsasama nila ng kaniyang naging asawa, nagkaroon sila ng limang anak. Gayunman, nauwi pa rin sa hiwalayan ang kanilang pagsasama.

Naiwan kay Nanay Aracely ang kaniyang mga anak kaya siya na rin ang nagsilbing ama ng mga ito. 

Kaya naman nagsikap siyang itaguyod ang mga bata, lalo na ang pag-aaral ng mga ito.

Nagpapasalamat si Nanay Aracely dahil naging mabait at hindi mapili ang kaniyang mga anak, na tinatanggap kung anuman ang pagkain na kaya lang niyang ihain.

At noong 1979, sa puhunan na P20 [na P1,500 ang katumbas ngayon] sinimulan ni Nanay Aracely ang pagtitinda niya ng kinalas.

Ang nagpapasarap daw sa kaniyang kinalas, ang malasang sabaw nito na may kasamang pinakuluang bungo ng baka, at ang napakalambot na karne ng baka.

Dahil sa pagtitinda niya ng kinalas, napagtapos ni Nanay Aracely ang lahat ng kaniyang anak.  

Edukasyon ng mga bata ang itinuturing niya pinakamalaki niyang naipundar sa kaniyang buhay.

Ang isa sa kaniyang mga anak, nagtatrabaho na sa ibang bansa.

Pagkaraan ng 45 taon, patuloy pa rin si Nanay Aracely sa pagtitinda ng kinalas na abot-kaya pa rin ang halaga, dahil marami pa rin ang kaniyang parokyano.

Ang isang order ng kinalas na luglog combo, malalasap na sa halagang P50 lang. Kung nais na lagyan ng nilagang itlog ang kinalas, magdadagdag lang ng P10.

Puwede ring samahan ang kinalas ng baduya o pritong saging na P20 ang presyo, o kaya naman ay embahada na nagkakahalaga ng P30.

"Magsisilbi pa rin ako sa mga anak ko hanggang sa mga kostumer kong mahal ko na pumupunta rito, hinahanap nila ako," ayon kay Nanay Aracely. -- FRJ, GMA Integrated News