Sa kabila ng kaniyang karamdaman na colon cancer, pinilit ng isang lalaki na lumabas ng ospital upang tuparin ang pangakong kasal sa kaniyang kasintahan. At apat na araw matapos ang kasal, binawian na siya ng buhay.

Sa For You Page ng GMA Public Affairs, mapanonood ang isang video ng pagtutulong-tulong ng medical crew ng ambulansiya para buhatin si Christian, at inilipat sa mas kumportableng kama.

Ang mga medical crew na rin ang naging saksi sa kung paanong hindi naging hadlang ang karamdaman sa wagas na pagmamahalan nina Christian at Vannily.

Bago nito, limang taon nang magkasintahan sina Christian at Vannily.

Dahil dito, ibinigay na ni Vannily ang kaniyang matamis na "oo" sa alok na kasal ng binata.

Taong 2023 nang mamanhikan na si Christian sa pamilya ni Vannily, na itinuturing nilang pinakamasayang sandali ng kanilang buhay.

Habang nag-iipon sa kanilang kasal, hindi inakala ni Vannily na maaantala ito, matapos ma-diagnose si Christian na may colon cancer nito lamang 2024.

Naging mabilis ang mga pangyayari mula nang matuklasan nila ang sakit ng ni Christian. Bumagsak ang kaniyang katawan at naglaho ang dating sigla.

Ang kanilang naipon sana para sa kasal, nagamit nila sa pagpapagamot ni Christian.

Hindi inakala ni Vannily na sa kabila ng matindi nilang pinagdaraanan, desidido pa rin si Christian na tuparin ang pangako nitong kasal sa kaniya.

Suportado naman ang buong pamilya sa desisyon ni Christian. Kahit na nag-aalala para sa nobyo, agad ding nag-ayos si Vannily para sa kanilang kasal.

Magmula nito, sinulit na nina Vannily at Christian ang buhay mag-asawa.

Ngunit apat na araw matapos ang kanilang pag-iisang dibdib, namaalam na sa mundo si Christian.

Sa kasalukuyan, nagpapakatatag si Vannily at iniisip na mas mabuting kalagayan na si Christian.

Kahit na sandali lang ang kanilang buhay-mag-asawa, para kay Vannily, panghabambuhay ang pagmamahalan nila ni Christian kasama ang kanilang anak. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News