May mga halaman na 'di pinapansin sa mga gilid ng daan at mga bakuran ang maaari palang makapagpagaling ng sakit. Ang isa sa mga ito, ang "Ulasimang Bato" o "Pansit-pansitan, na gamot umano sa "gout" o pananakita ng kasu-kasuan dahil sa mataas na uric acid.Sa nakaraang episode ng "Pinoy MD," ipinakilala ang 40-anyos na si Arlene Salon, na dalawang dekada nang nagtatrabaho sa salon.Nakakalimot siyang kumain nang sakto sa oras at nakaranas ng acid reflux dulot ng kape. Dahil dito, tumaas din ang kaniyang uric acid."We get it from our diet. Mga pagkain na with a lot of purines. Ano tong mga to? Alcoholic beverages, shellfish like shrimp, crabs, certain types of fish also are high. Tilapia, sardines. So if we have too much in our diet or some people are genetically na hindi nila ma-metabolize well, so naku-convert ito kaagad into uric acid," paliwanag ni Dr. Cecilia Nelia Maramba-Lazarte, Director ng Institute of Herbal Medicine sa UP Manila.Sa taas ng kaniyang uric acid, nangamba si Arlene na posibleng magkaroon siya ng gout, lalo't nakararanas siya ng pamamanas."'Pag nag-accumulate po itong uric acid na ito, itong uric acid crystals e puwedeng mag-lodge sa ating joints, puwede sa fingers, sa toes, sa knee, at ito ang nagko-cause ng pamamaga or inflammation," sabi ni Maramba-Lazarte.Hanggang sa mabalitaan ni Arlene na mainam sa mga gaya niyang mataas ang uric acid ang halamang pansit-pansitan.Native sa Tropical America ang Ulasimang Bato, ayon sa Philippine Institute of Traditional and Alternative Healthcare o PITAHC.Matapos ihalo sa lutuin ang pansit-pansitan, nakaramdam si Arlene na bumaba ang kaniyang pananakit ng ulo.Halos isang dekada nang pinag-aaralan ng University of the Philippines Manila -Institute of Herbal Medicine ang bisa ng pansit-pansitan bilang gamot.Sumailalim na rin ito sa clinical trial, na gumawa ang mga eksperto ng anti-gout tablet mula sa pansit-pansitan o Ulasimang Bato.Napatunayang may kagayang epekto sa chemical-based medicine na allopurinol na nakapagpapababa ng uric acid ang pansit-pansitan."Ang nakita sa Ulasimang Bato, it was very safe in our patients. Kasi during the clinical trial, kinukunan din sila ng kidney function test, liver function test, at normal ito all throughout. Walang nakitang adverse reactions. So that's one in terms of safety," sabi ni Maramba-Lazarte."Based doon sa mga clinical studies, natutunaw niya 'yung uric acid. So puwede siyang gamitin para sa sakit sa bato or 'yung sa gout. So effective siya na hindi lang siya napatunayan na sa clinical studies, hindi lang siya naging anecdotal or dahil lang sa mga sabi-sabi, folkloric use," sabi ni Teresa Torres, Special Operations Officer ng PITAHC.Nirerehistro na ang pansit-pansitan tablet sa Food and Drug Administration para malikha na ito.Tunghayan sa Pinoy MD kung paano gumawa ng ensalada na may kasamang pansit-pansitan. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News